JAMES ‘DI PA MAGRERETIRO

WALA pang plano si Rain or Shine guard James Yap na isabit ang kanyang jersey kahit opisyal na siyang naghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) kahapon para sa isang silya sa konseho ng first district ng San Juan City.

Si Yap ay tatakbo sa ilalim ng ticket ni incumbent Mayor Francis Zamora.

Ito ang unang pagsabak ni Yap sa politika makaraang gumawa ng pangalan sa PBA bilang isang superstar kung saan nanalo siya ng pitong championships at dalawang Most Valuable Player trophies.

“Nagpaalam ako sa PBA kung puwede ako tumakbo, sa management ng Rain or Shine. Sinabi naman nila, puwede,” ani Yap. “Ano raw plano ko, kung magre-retire na ba ako?”

“Ang sabi ko naman, puwede bang kung papalarin ako, habang councilor ako sa San Juan, puwede ba akong maglaro sa PBA? Ang sabi naman nila puwede raw,” dagdag pa niya.

Aniya, posibleng maglaro pa siya ng isang taon sa PBA.

Siguro one more year sa PBA,Yap also said.

Kinumpirma naman ni PBA commissioner Willie Marcial ang paghingi ni Yap ng clearance mula sa liga at sa kanyang koponan.

Ayon kay Marcial, walang batas sa PBA na nagbabawal kay Yap na kumandidato sa 2022 elections.

“Suportado natin (si James), suportado ng team niya, suportado ng PBA. I wish him all the luck, sana maging konsehal nga siya at makatulong,” anang commissioner. CLYDE MARIANO

3 thoughts on “JAMES ‘DI PA MAGRERETIRO”

Comments are closed.