NAITALA ni Kristaps Porzingis ang 16 sa kanyang 27 points sa fourth quarter upang pangunahan ang pitong players sa double figures nang gibain ng Washington Wizards ang bisitang Los Angeles Lakers,127-119, at putulin ang six-game losing streak nitong Sabado.
Natabunan ng panalo ang monumental night para kay Los Angeles star LeBron James, na nagbuhos ng 38 points at nalagpasan si Karl Malone sa ikalawang puwesto sa NBA’s all-time scoring list.
Naghabol ang Washington ng hanggang 16 points bago kinuha ang unang kalamangan sa laro sa 107-106 sa three-point play ni Porzingis, may 7:26 ang nalalabi sa fourth quarter.
Kumabig si Kentavious Caldwell-Pope ng 18 points at 10 rebounds laban sa kanyang dating koponan habang nagdagdag si Daniel Gafford ng 17 points para sa Washington, na na-outscore ang Lakers, 34-20, sa fourth quarter. Kumana si Tomas Satoransky ng season-high 16 points, nag-ambag si Corey Kispert ng 13 at gumawa si Rui Hachimura ng 10.
Umiskor si James sa isang cutting layup, may 5:20 ang nalalabi sa second quarter, upang malagpasan si Malone na may 36,930 points. Nangunguna si Kareem Abdul-Jabbar sa all-time scoring list ng liga sa 38,387 points.
TIMBERWOLVES 138, BUCKS 119
Naiposte ni Karl-Anthony Towns ang kanyang ika-7 double-double sa huling walong laro nang gapiin ng Minnesota ang bisitang Milwaukee upang hilahin ang kanilang win streak sa apat na laro.
Nagbuhos si Towns ng 25 points at 11 rebounds sa 6-of-12 shooting upang tulungan ang Timberwolves na walisin ang two-game season series sa Milwaukee. Nagdagdag sina Anthony Edwards ng 25 points, at D’Angelo Russell ng 16.
Sa pagkaka-sideline ni Giannis Antetokounmpo dahil sa knee soreness, pinangunahan ni Khris Middleton ang Milwaukee na may 15 points at 7 rebounds sa 6-of-13 shooting. Nag-ambag sina Brook Lopez at Pat Connaughton ng 15 points, kumabig si Jrue Holiday ng 14 at tumipa si Grayson Allen ng 13.
Sa iba pang laro, ginapi ng Cavaliers ang Pistons, 113-109; at pinataob ng Hornets ang Mavericks, 129-108.