Janine Gutierrez, Jericho Rosales nagkakamabutihan

ILANG ulit nakitang magkasama sina Janine Gutierrez at Jericho Rosales sa iba’t ibang lugar ngunit mas madalas umano silang magtungo sa museum at bookstores. Kaya naman naku-curious ang mga netizens. Nagkakamabutihan na kaya ang dalawa?

Aba, at terno pa raw ang suot nila nang mamasyal sa National Museum. Naka-cropped sleeveless white top si Janine habang naka-white button-down shirt naman si Jericho.

Ilang taon nga ang age gap nila? Parang 44 si Jericho at 34 naman si Janine. Nauuso talaga ngayon ang mga May-December affairs. Kakakasal lang Nina Carlo Aquino at Charlie Dizon na more than 10 years din ang agwat ng edad.

Pero bago tayo humusga, baka naman hindi ito date. Alam naman nating co-stars sina Janine at Jericho sa upcoming prime-time series ng ABS-CBN, ang Lavender Fields, na ang bida ay sina Jericho at Jodi Sta. Maria.

Baka naman promo lang ng teleserye, o baka bonding lang — kayo naman!

Sakaling nagdi-date nga ang dalawa, wala namang masama. Walang karelasyon si Janine sa ngayon. Si Paulo Avelino ang huling natsismis sa kanya, pero walang confirmation. Ni hindi nga natin alam kung naging sila talaga o baka tsika lang.

Si Jericho naman, matagal nang hiwalay sa asawang si Kim Jones. Napabalitang pinopormahan si Kathryn Bernardo, pero wala ring confirmation. Isa pa, mas boto raw kay Alden Richards ang parents ni Kathryn.

Heto, nag-i-speculate na naman tayo. Abangan na lang nga natin kung ano ang Susunod na kabanata. RLVN