JAPAN B.LEAGUE: PARAS LUMIPAT SA ALTIRI CHIBA

MAGLALARO si Kobe Paras sa Japan B.League ng isa pang season makaraang pumirma ang dating University of the Philippines standout sa Division 2 squad Altiri Chiba.

Inanunsiyo ng koponan ang paglagda ni Paras noong Huwebes.

“He is a player of exceptional physical ability and has extensive experience playing in the B1 level,” wika ni Altiri director Yoshihide Arai patungkol kay Paras. “We are excited to see Altiri Chiba basketball evolve with his talent on this team.”

Si Paras ay naglaro para sa Niigata Albirex BB sa 2021-22 season ng B.League, kung saan may average siya na 8.2 points, 2.1 rebounds, at 1.2 assists sa 49 games.

Gayunman ay hindi sinuwerte ang koponan kung saan naka-7 panalo lamang ito sa season.

Sa Altiri, si Paras ay maglalaro sa koponan na na-promote mula B3 sa Division 2 matapos na talunin ang Kanazawa Samuraiz sa divisional championships.

“I’m grateful for the opportunity to be a part of Altiri Chiba,” ani Paras, na pumirma ng isang season sa koponan sa ilalim ng Asian Player Quota program ng liga.

“I’m excited to go back and be a part of the team. I can’t wait to meet my teammates and see all the Altiri Chiba fans in the games this upcoming season,” ayon pa sa Pinoy cager.