JAPAN TOUR NG PINAY NADISKARIL SA PEKENG PASAPORTE

passport

PASAY CITY – NAUDLOT ang pagpasyal ng isang Pinay sa Tokyo, Japan at maging sa Jeju Island sa South Korea nang harangin ito ng mga tauhan ng Bureau of Immigration pasakay ng eroplano nang madiskubreng peke ang kanyang pasaporte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Ayon kay BI Spokesperson Dana Krizia Sandoval, ang nasabing Filipina na hindi muna pinangalanan ay magbabakasyon sana sa Japan at tatawid ng Jeju Island kasama ang kaniyang Japanese boyfriend.

Subalit nadiskubre ni Mia Talatala, Immigration Officer on Duty, na ang ipinakitang passport nito ay walang security features na karaniwang nakikita sa regular na ­Philippine passport na iniisyu ng Department of ­Foreign Affairs (DFA).

Sa interview ni BI Travel Control and Enforcement Unit (TCEU)  head Ma. Carelyn Taberna ng terminal 1, inamin ng biktima na nag-apply siya ng kanyang passport via online noong nakaraang buwan, at nagbayad siya ng P2,000 para makuha niya sa lalong madaling panahon.

Nakita rin sa kanyang passport na inisyu noon pang 2016 gayung noong Hulyo lang siya nag-apply para makakuha nito.

Samantala, muling nagpaalala si Immigration Commissioner Jaime Morente sa mga Filipino na nagpaplano na kumuha ng pasaporte na sumunod sa tamang proseso  at iwasan na humingi ng tulong sa mga fixer para hindi maharap sa mas malaking problema. FROI MORALLOS

Comments are closed.