JAPAN VS MALAYSIA, KOREA VS THAILAND SA SEMIS

Akane Yamaguchi

PINISAK ng Japan, sa pangu­nguna ni dating women’s singles world no. 1 Akane Yamaguchi, ang Indonesia, 3-0, upang makasambot ng puwesto sa semifinals ng 2020 SMART Badminton Asia Manila Team Championships kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Nangailangan lamang si Yamaguchi ng 34 minuto upang gapiin si Gregoria Tunjung, 21-9, 21-15, sa pagsisimula ng araw ng top-seeded squad.

Kasunod nito ay binigyan nina Yuki Fukushima at Sayaka Hirota ang reigning champs ng 2-0 bentahe sa pamamagitan ng marathon two-setter,  21-19, 21-15, na umabot ng 53 minuto. Tinapos ni Sayaka Takahashi ang tie sa pagwalis kay  Ru-selli Hartawan, 21-13, 21-14.

Makakasagupa ng Japan ang Malaysia makaraang pataubin ng huli ang Chinese Taipei, 3-1.

Nakopo nina Pearly Tan at Muralitharan Thinaah ang tie para sa Southeast Asians makaraang igupo sina Cheng Chi Ya at Liu Chao-Yun, 18-21, 21-17, 21-18, sa second doubles match.

Namayani si Soniia Cheah sa deciding frame, 22-20, upang kunin ang first singles match makaraang ma-split ang unang dalawang frames kay Pai Yu Po, 21-14, 17-21. Winalis nina Hsu Ya Ching at Hu Ling Fang sina Chow Mei Kuan at Lee Meng Yean upang maipatas ang tie para sa Taiwanese, 21-14, 21-14.

Naibalik ni Goh Jin Wei ang bentahe ng Malaysia sa panalo sa second singles, 21-23, 21-8, 21-12, kontra Chiang Ying Li.

Samantala, nasikwat ng Thailand at Korea ang kanilang puwesto sa isa pang semifinal tie sa pamamagitan ng magkatu-lad na 3-0 sweeps sa Kazakhstan at Singapore.

Kinailangan lamang ng Thailand ng mahigit isang oras upang dispatsahin ang Kazakhstan, kung saan muling nakuha ni Phittayaporn Chaiwan ang panalo sa  third singles match, 21-6, 21-5, laban kay Oxsana Shtelle.

Kasunod nito ay dinomina nina Busanan Ongbamrungphan at Pornpawee Chochuwong sina Kamila Smagulova at Arina Sazanova sa unang dalawang singles match para sa 2-0 bentahe. Nakuha ni Ongbamrungphan ang una, 21-3, 21-4, at sinundan ito ni Chochuwong sa 21-1, 21-7.

Umabante rin ang Korea sa pagwawagi ni Kim Ga Eun laban kay Hui Grace Chua ng Singapore, 21-10, 21-10, sa third singles match.

Nakatakda ang semifinal ties ngayong alas-10 ng umaga. CLYDE MARIANO

Comments are closed.