JAPANESE FIRMS MAG-E-EXPAND SA PINAS

ILANG Japanese companies ang nagpahayag ng intensiyon na palawakin ang kanilang operasyon sa Pilipinas, ayon kay Finance Secretary Ralph Recto.

Sa isang Viber message sa Philippine News Agency nitong Miyerkoles ay sinabi ni Recto na ang isang kompanya ay nagpaplanong mamuhunan ng tinatayang P46 billion para sa kanilang expansion.

“One company alone is [investing] roughly PHP46 billion. Most of them have investments in Batangas,” ani Recto.

Isang Philippine delegation sa Japan, sa pangunguna ni Recto, ang nakipagpulong sa mga top executive ng Japanese companies upang imbitahan sila na palawakin ang kanilang presensiya sa Pilipinas.

Sa isang social media post nitong Miyerkoles, sinabi ng Department of Finance na ang mga pagpupulong ay inorganisa ng field office ng Department of Trade and Industry sa Tokyo at idinaos sa sidelines ng Philippine Economic Briefing sa Japan.

Kabilang sa mga Japanese companies ang Sojitz Corporation, Mitsubishi Corporation, Murata Manufacturing Co., Ltd., at Sumitomo Corporation.

Ang Sojitz Corporation ay may kinalaman sa global businesses, kabilang ang manufacturing, selling, importing, at exporting ng iba’t ibang produkto.

Sa Pilipinas, nagpapatakbo ito ng iba’t ibang negosyo, mula sa commodities trading hanggang ilang investment projects sa agriculture, food, telecommunication, infrastructure, property development, automotive, at mining.

Samantala, ang Mitsubishi Corporation ay isang global integrated business enterprise na may kinalaman sa project development, production, at manufacturing.

Sa Pilipinas, ang Mitsubishi ang humahawak sa export at import ng iba’t ibang produkto, consumer market activities, gayundin ang infrastructure at renewable energy development.

Ang Murata Manufacturing Co., Ltd ay may espesyalisasyon sa research and development, manufacturing, at sales ng ceramic-based electronics.

Ang Philippine Manufacturing Co. of Murata Inc. (PMM) sa Batangas ang pinakamalaking production site ng Murata sa Asia, na pangunahing nagpoprodyus ng multilayer ceramic capacitors.

May kinalaman naman ang Sumitomo Corporation sa multifaceted business activities, kabilang ang product and service sales, import and export, at domestic at international business investment.

Ang investments ng Sumitomo sa Pilipinas ay kinabibilangan ng First Philippine Industrial Park sa Batangas, na hosts ng tinatayang 150 manufacturing industries.n

Sinusuportahan din nito ang railway projects ng bansa, kabilang ang MRT-3, LRT-1, Metro Manila Subway, at North-South Commuter Rail.

Kasama ni Recto sa Japan sina Office of the Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Secretary Frederick Go; Budget Secretary Amenah Pangandaman; National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balisacan; Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual; at  Department of Transportation Secretary Jaime Bautista.

Kabilang din sa delegasyon sina Department of Energy Undersecretary Felix Fuentebella; Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Francisco Dakila Jr.; Bases Conversion and Development Authority president and chief executive officer Joshua Bingcang; at Philippine Ambassador to Japan Mylene Garcia-Albano.

(PNA)