NAKOPO ni Kent Francis Jardin ng Adamson University – Philippine Navy ang unang gintong medalya matapos na pamunuan ang 200m dash sa ginaganap na National Capital Region leg ng 2023 Reserve Officers Training Corps (ROTC) Games sa PhilSports Track Oval sa Pasig City.
Itinala ng 19-anyos na 1st year Bachelor of Sports Science at UAAP Season 85 Athletics event MVP na si Jardin ang pinakamabilis na oras na 22:01 segundo upang pamunuan ang iba pa na nagsipagwagi ng gintong medalya mula sa sangay ng military na Philippines Army, Philippine Air Force at Philippine Navy.
“Masaya po na meron na ngayon na ganitong competition para sa ROTC Games dahil mas may dagdag kami na event para mas makapagtraining kami,” sabi ng mula sa Calinog, Iloilo na si Jardin, na humakot ng pitong ginto sa nakalipas na UAAP Season 85 at nagtala ng record sa 100 at triple jump.
Ang iba pa niyang napagwagian sa UAAP ay 200m, 4x400m, 4x100m, long jump at pole alut.
Hindi naman nagpaiwan ang kakampi nito na si Christine Guergio sa pagwawagi sa women’s 200m sa oras na 28:02 upang iuwi ang unang ginto sa inaasam nitong makamit na apat sa torneo na para sa mga kadeteng atleta sa ROTC.
Ang 18-anyos na 1st year BSS student na si Guergio, na nagwagi rin ng apat na ginto at 1 pilak sa UAAP Season 85, ay nais na mapasama sa na- tional team sa tulong ng torneo at maging coach ng athletics sa kanyang pagtatapos.
Wagi rin ng ginto ang 22-anyos na si Josie Inemido ng University of the Philippines- Army sa 27.2 segundo na nagtulak dito para tumuntong sa kampeonato ng torneo na gaganapin sa Marikina City.
Inangkin din ni Mac James Angoring, 19 anyos mula Rizal Technological University-Army ang ginto sa 23.6 segundo habang uusad din sa national finals ang 20-anyos na si Hecyn Mae Orbillo ng St. Jude College – Philippine Air Force sa itinala nito na 23:00 segundo.
Tumapos naman sa 1-2 puwesto sina Cdt. Lt. Col. John Kein Mina at Ray-Ann Joseph Gappi mula Philippine State College of Aeronautics para sa ginto at pilak.
Agad namang umusad sa kampeonato ng women’s 4×100 relay ang women PHINMA Saint Jude College QC – Air Force na binubuo nina Isadora May Azur, Genesis Quintanar, Cherry Dela Cruz, at Hecy May Or- billo.
CLYDE MARIANO