JAZZ PINAYUKO ANG KINGS

KUMAMADA sina Jordan Clarkson at De’Aaron Fox ng pinagsamang 86 points nang dispatsahin ng Utah Jazz ang bisitang Sacramento Kings,134-125, Sabado ng gabi sa Salt Lake City.

Nagbuhos si Clarkson ng career-high 45 points upang pangunahan ang Utah sa ika-4 na panalo kontra Kings ngayong season. Nagsalpak ang reigning Sixth Man of the Year ng 15 of 21 shots, 7 of 13 3-point attempts at naipasok ang lahat ng walong free-throw attempts.

Nahigitan ni Clarkson, na ang naunang career best ay 42points, ang franchise record ni John Drew na 38 bench points. Tumapos si Bojan Bogdanovic na may 26 points, habang nagdagdag si Donovan Mitchell ng 25 points, 6  assists at 5 rebounds.

Si Fox ay hindi naging kasing episyente ni Clarkson, subalit nagpasikat pa rin sa pagkamada ng 15-for-32 na may limang tres at  11 assists.

Nagsalansan si Hassan Whiteside ng 12 points, 21 rebounds at 3 blocked shots sa isang starting role.

WARRIORS 122, BUCKS 109

Nagpasabog si Klay Thompson ng walong 3-pointers sa nalikom na 38 points upang pangunahan ang Golden State kotra Milwaukee sa San Francisco.

Sa labanan ng NBA heavyweights, nag-ambag si Jordan Poole ng 30 points, tumipa si Andrew Wiggins ng 21 at naitala ni  Jonathan Kuminga ang kanyang ikalawang professional double-double para sa Warriors na nanalo ng tatlong sunod sa kabila na nakakuha lamang ng 8 points mula kay Stephen Curry.

Kumubra si Giannis Antetokounmpo ng team-high 31 points at nagposte si Khris Middleton ng 18 para sa Bucks, na nagpakawala ng  17 3-pointers subalit na-outscore pa rin, 54-51, sa 3-point area ng hot-shooting Warriors.

Sa iba pang laro, sinakmal ng Timberwolves ang Heat, 113-104; sinuwag ng Bulls ang Cavaliers, 101-91; pinapak ng Raptors ang Nuggets, 127-115; ginapi ng Trail Blazers ang Wizards, 127-118; at dinispatsa ng Pacers ang Spurs, 129-108.