KUMAMADA si Karl-Anthony Towns ng 24 points at 12 rebounds at binura ng Minnesota Timberwolves ang 17-point deficit upang gulantangin ang Utah Jazz, 101-96, noong Sabado sa Salt Lake City.
Nagdagdag si Anthony Edwards ng 23 points, 9 boards, 5 steals at 4 assists, umiskor si D’Angelo Russell ng 23 at naipasok ni Josh Okogie ang dalawang clutch free throws, may 6.2 segundo ang nalalabi upang selyuhan ang upset para sa Minnesota (17-44).
Nagbuhos si Bojan Bogdanovic ng 30 points subalit kinapos sa opensa ang Jazz (44-16) sa pagkawala ni injured All-Star Donovan Mitchell (right sprained ankle) at natalo sa ika-4 na pagkakataon pa lamang sa home sa 30 games ngayong season.
Bagaman kumarera ang Utah sa 40-26 lead at tila patungo na sa inaasahang panalo kontra koponan na sibak na sa playoffs, umiskor lamang ang Jazz ng 18, 16 at 22 points sa sumunod na tatlong quarters.
Tumapos ang Jazz, bumuslo ng 40.2 percent, sa ilalim ng 100-point mark sa unang pagkakataon magmula noong Jan. 10.
MAVERICKS 108,
LAKERS 93
Sa likod ng magandang pasa ni Luka Doncic, naitakas ng Dallas Mavericks ang come-from-behind victory laban sa Los Angeles Lakers, 108-93.
Naghabol ang Mavericks ng hanggang 17 points sa first half subalit sumandal kay Doncic sa opensa sa second half.
Sa buong laro ay matinding depensa ang inilatag ng Lakers kay Doncic, na nagresulta sa anim na turnovers.
Gayunman ay gumana ang opensa ng Dallas sa second half, kung saan giniba ni Doncic ang opensa ng Los Angeles.
Tinapyas ng Mavericks ang 12-point advantage sa 79-all sa pagtatapos ng third quarter.
Nakontrol ng Mavericks ang fourth, at pinalobo ang kanilang kalamangan sa double digits points tungo sa panalo.
Tumapos si Doncic na may 18 points, 13 assists at 8 rebounds. Nagposte si Dwight Powell ng game-high 25 points at 9 rebounds. Nakalikom si Dorian Finney-Smith ng 21 points at 7 rebounds para sa Dallas.
HEAT 106,
BULLS 101
Kumana si Duncan Robinson ng team-high 23 points at naitala ni Jimmy Butler ang siyam sa kanyang 20 points sa fourth quarter nang maitarak ng host Miami Heat ang 106-101 panalo laban sa Chicago Bulls.
Umabante ang Miami ng hanggang 24 points bago natapyas ng Chicago ang deficit nito sa tatlong puntos, may 7:09 ang nalalabi sa fourth quarter. Hindi na nakadikit pa ang Bulls hanggang dumakdak si Coby White sa huling 15.8 segundo upang ibaba ang kalamangan ng Miami sa 103-101.
Isinalpak ni Kendrick Nunn ang dalawang free throws, may 12.7 segundo ang nalalabi para selyuhan ang panalo.
Nanguna para sa Chicago si Nikola Vucevic, na nagtala ng 26 points, game-high 14 rebounds at team-high 6 assists. Sa kanyang 33 career games kontra Miami, mayroon siyang 19 double-doubles. Nagdagdag si White ng game-high 31 points para sa Bulls.
Sa iba pang laro ay namayani ang Denver Nuggets kontra Houston Rockets, 129-116; naungusan ng San Antonio Spurs ang New Orleans Pelicans, 110-108; ginapi ng Indiana Pacers ang Detroit Pistons, 115-109; at nadominahan ng New York Knicks ang Toronto Raptors, 120-103.
Comments are closed.