MAY tatlong taon na window period na ipinagkaloob ang Department of Transportation (DOTr) para i-modernized o i-upgrade ng mga jeepney operator at driver ang tinatayang 180,000 mga lumang pampasaherong jeep.
Ayon sa pamunuan ng DOTr hanggang taong 2021 ang ibinigay sa mga driver at operator para i-upgrade nila ang kanilang mga sasakayan.
Ito ay kasabay ng pagpuna ng ilang transport operators na ang mga bagong disenyo ng mga sinasabing makabagong jeepney ay hindi tugma sa kondisyon ng mga lansangan sa Filipinas partikular na sa mga lugar na binabaha.
Tiniyak na sa tatlong taon na window period na walang magaganap na panghuhuli o puwersahang pag-a-upgrade sa mga yunit.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Mark De Leon. “Within that period,” walang sapilitan iyong modernization natin.”
Umaabot sa P900,000 hanggang P1 milyon ang halaga ng bagong jeepney habang ang electric jeepney naman na may 22 passenger capacity ay tinatayang nagkakahalaga ng P1.5 milyon hanggang P1.8 million.
Sa nasabing modernization program ng mga pampasaherong jeep ay magkakaloob ang gobyerno ng P80,000 subsidiya sa mga driver at operator para sa mga bagong yunit.
Mag-aalok din ang pamahalaan ng pautang sa mga driver/operator na babayaran nila sa loob ng pitong taon na tutubo naman ng 6 percent interest, ayon kay De Leon para sa mga kukuha ng mga bagong unit.
Subalit bago pa tuluyang maisakatuparan ang isinusulong na modernization ay inaalarmahan na ito ng ilang transport organization dahil lubha umanong napakataas ng halaga ng mga bagong yunit at hindi nila kaya itong pasanin.
Sa ilalim ng modernization program, ang mga bagong jeepney ay kailangang may 22-passenger seating capacity at may pintuan sa tagiliran. At kailangang makatugon din ito sa Euro-4 emission standard para makatulong na mabawasan ang greenhouse gas emissions. VERLIN RUIZ
Comments are closed.