JENNYLYN MERCADO, DENNIS TRILLO EXCITED SA BAGONG BABY

SOBRANG excited na sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo sa pagdating ng sarili nilang baby.

Matapos nilang ianunsyo ang kanilang engagement at pagbubuntis ni Jennylyn sa YouTube, naka-set na ang sunud-sunod na vlog entries by episodes na nakasentro sa sa proposal.

Hiningi ni Dennis ang kamay ni Jennylyn para pakasalan noong October 8, 2021. Pagkatapos niyan, naka-focus naman ang vlog sa pagbubuntis ni Jennylyn.

Bago nabuntis si Jennylyn, gusto sana nilang magka-baby via surrogacy. Ibig sabihin, magkakaanak sila pero iba ang babaing magdadala sa sinapupunan. Yun ang unang plano nina Jennylyn at Dennis noong 2018 pero hindi successful ang una nilang attempt. Plano raw nilang sa ibang bansa  na lamang ito gawin dahil hindi pa legal ang surrogacy sa Pilipinas, pero dahil nabuntis na nga si Jennylyn, nakaiwas sila sa malaking gastos.

Noong una raw ay hindi sila sigurado pero may kakaibang nararamdaman si Jennylyn na sa tingin niya ay pamilyar. “Napaka emosyunal ko. Parang nag-iiba ugali ko,” ani aktres. “Ang sensitive ko nung mga panahon na iyon. Konting kibot lang, nagagalit na ako. Naiiyak ako nang walang dahilan. Tapos, naisip ko parang familiar yung pakiramdam.”

Kinunsulta pa raw ni Jennylyn ang kanyang tarot cards at ayon dito, something good was about to happen. Kaya pinabili niya si Dennis ng pregnancy test kit, at pronto, positive nga ang resulta. Noong una, ayaw muna sana nilang ipaalam muna ang sitwasyon ni Jennylyn, pero muntik na nga siyang makunan kaya kailangan na nilang aminin. Basta ang mahala­ga lang, aksidente mang nabuo ang baby nila sa uterus ni Jennylyn, hindi naman aksidente na gusto nilang magkaanak. Sana nga raw, baby girl ito para kumpleto na ang pamilya.– KAYE NEBRE MARTIN