JESSY MENDIOLA, LUIS MANZANO MUNTIK MAGHIWALAY

Wala tayong kamalay-malay, nalagay pala sa balag ng ala­nganin ang pagsasama ng mag-asawang Jessy Mendiola at Luis Manzano dahil sa isang kaibigan ng huli.

Ani Jessy, pinagtalunan nila ang childhood friend ni Luis at nagkaroon sila ng major na tampuhan. Ito umano ang unang big altercation nilang mag-asawa.

Kuwento ni Jessy, kakakasal lang nila noon nang mapansin niya ang ilan sa mga kaibigan ni Luis na may masamang intensiyon, kaya sinabi niya ang kanyang kutob sa kanyang mister.

“Kinasal kami, tapos the next day, inaway-away ako nung tao na yon. Kaya pala galit na galit siya sa akin kasi may tinatago pala siyang sikretong karumal-dumal, na malala,” kwento ni Jessy.

“So, doon ko naamoy na parang, ‘May something itong taong ito. Bakit galit na galit siya na kinasal kami?'”

Kaso, hindi raw siya pinaniwalaan ni Luis at pinanigan pa ang kaibigan.

Inaway pa umano ni Luis si Jessy.

“As in, talagang away. Kulang na lang kampihan niya yung mga taong iyon. So ako, parang sabi ko, ‘Teka lang, ako yung asawa, di ba, bakit parang hindi niya ako pinapaniwalaan?'”

Nang makapag-usap umano sila nang masinsinan, napagtanto ni Jessy na hindi pa handa si Luis na bumuo ng pamilya dahil hindi pa siya nito kayang piliin, unahin, at ipagtanggol.

“Ang sabi niya sa akin, ‘Mali ka, matagal ko na silang kilala. Halos kababata ko sila, part of the family sila.’

“Sabi ko, hindi ba ako part ng family? Tapos nanghihingi na rin siya sa akin ng anak nun, sabi ko, ‘No, hindi ka pa ready maging tatay.’

“Kasi either na piliin mo yung pamilya mo or sige piliin mo yung mga kaibigan mo na hindi okay para sa iyo.”

Gusto na raw talaga niyang makipaghiwalay pero ayaw naman niyang magpadalos-dalos, kaya kinunsulta niya ang kanyang biyenan na si Vilma Santos Recto. Pinayuhan daw siya nitong mag-isip ng makailang unit bago gumawa ng pinal na desisyon para walang pagsisihan sa bandang huli. Hindi raw siya pinilit ni Ate Vi na makipagkasundo kay Luis — sa halip, igagalang daw nito ang kanyang desisyon.

Dahil nga galit, ang ending ay nagpaalam na siya sa biyenan.

“Sabi ko, ‘Momskie, hindi ko na talaga po kaya. Mahal ko po kayo pero hindi na po ako pinapakinggan ng asawa ko sa totoo lang. Yung talagang magbibigay sa kanya ng kaliwanagan, hindi na siya nakikinig sa akin.’

“Si Momskie, sinasabi naman niya na, ‘Jes, naku, kumapit ka pa. Kasi, nagsisimula pa lang kayo, kakakasal niyo lang, ganyan-ganyan.'”

Eventually, humingi daw ng tawad kay Jessy si Luis. Siguro, kinausap ni Ate Vi ang anak.

Syempre,  nagpatawad si Jessy kaya nga nagkaroon na sila ngayon ng Rosie o Peanut ba yon?

Hindi naglaon, vindicated ang Jessy. Yung ‘childhood friend’ ni Luis na naging sanhi ng muntik na nilang paghihiwalay, lumabas ang totoong kulay.

“Pero hindi ko na sinabi kay Luis na ‘I told you so,’ but you know I got vindicated din. Kasi, kumbaga, lumabas na nga yung totoo na hindi nga sila okay.

“Marami ring nawala kay Howhow [Luis], ma­rami rin nasira. Pero grabe talaga kapag pamilya ko kasi yung ginalaw niyo, gagawin ko talaga ang lahat para malabas yung totoo.

“Grabe, postpartum ako, tapos lumabas pa yon, ang bigat sa pakiramdam.

“Ayun yung feeling na may pinagdaraanan yung asawa mo, tapos yung pamilya mo, magulo rin.

“Yung feeling, parang gusto mo na lang talaga [siyang] iwan. Pero oo nga pala, kasal nga pala tayo. Hindi tayo puwedeng basta-basta maghiwalay.

“I guess, ginawa yon ni Lord para mas mapalakas yung relationship [namin] sa isa’t isa.”

Tatlong taon na silang mag-asawa at may isang anak, si Rosie.

Noong unang bahagi ng 2023, nasangkot si Luis sa mga reklamo ng ilang investors laban sa Flex Fuel Petroleum Corporation, na pinamumunuan ng sinasabing “childhood friend” ng TV host-actor.

RLVN