UPANG matuldukan ang pagtuturuan o sisihan sa kung sino ang responsable sa madalas na insidente ng pagnanakaw ng bagong pasok na kasambahay, inihain sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong amyendahan ang Republic Act 10361 o ang Domestic Workers’ Act, na kilala rin bilang Batas Kasambahay.
Pangunahing isinusulong ng House Bill 1116, na inihain ni Buhay Patylist Rep. Lito Atienza, ang pagtatakda ng ‘civil liability’ sa alinmang local job agency kapag gumawa ng pagnanakaw ang ibinigay nitong kasambahay.
Subalit nilinaw ng Buhay partylist lawmaker na saklaw lamang ng kanyang panukala ang mga bagong pasok na kasambahay, kung saan kapag umabot na sa isang taon itong namamasukan sa kanyang employer at gumawa ng krimen ay hindi na madadawit pa ang ahensiya na pinagmulan niya.
Ayon kay Atienza, sa ganitong paraan ay magiging mahigpit ang lahat ng local job placement agencies sa pagsala ng kukunin at ibibigay nilang kasambahay.
“The risk of having to pay for losses will compel every PEA to thoroughly vet all individuals recommended for employment as house helpers. Right now, PEAs do not have any incentive to vet applicants, so their agency services are getting exploited by shady characters and even by theft and robbery syndicates preying on households,” sabi pa ng mambabatas.
Aminado si Atienza na iniakda niya ang HB 1116 matapos na mabiktima ang isang miyembro ng kanyang pamilya ng pagnanakaw ng bagong kuhang house helper, na mula sa isang private agency.
Sa ilalim ng kanyang panukala, nais din ng kongresista na ang lahat ng rehistrado sa Department of Labor and Employment (DOLE) na PEAs ay magkaroon ng ‘up-to-date’ National Bureau Investigation (NBI), police at barangay clearances ng kanilang aplikante sa pagka-house helper; gayundin ang authenticated barangay certification ng actual residency at good moral character ng huli.
Dapat din aniyang matiyak ng ahensiya ang family background ng kasambahay gamit ang authenticated birth certificate, marriage certificate at ibang government issued documents kasama na ang pagkuha ng exact address at contact number ng immediate family members nito.
Kailangan din aniyang alamin ng ahensiya ang motibo ng kasambahay na nag-apply sa kanila, partikular kung totoong nangangailangan ito ng trabaho at hindi para gamitin lamang ang una sa anumang masamang balakin nito. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.