JOBLESS LUMOBO SA 27.3M NOONG HULYO – SWS SURVEY

JOBLESS-4

PUMALO sa 27.3 milyon ang walang trabaho sa bansa noong Hulyo, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).

Katumbas ito ng 45.5 porsiyento  ng  adult joblessness rate na pinakamataas sa bansa sa loob ng halos tatlong dekada.

Lubha itong mataas kumpara sa 7.9 milyon lamang na naitala noong Disyembre 2019. Nangangahulugan ito na  mahigit 19 milyong Pinoy ang nawalan ng trabaho sa nakalipas na pitong buwan kasabay ng pananalasa ng COVID-19.

Batay sa survey, 21 porsiyento sa mga jobless ay nawalan ng trabaho sa kasagsagan ng COVID-19 habang 21 porsiyento rin ang naging tambay bago pumutok ang pandemya.

Sa depinisyon ng SWS, itinuturing na jobless adult ang mga Pinoy na may edad 18  pataas na nag-resign sa  trabaho, first-time job seekers at mga natanggal sa trabaho dahil sa ekonomiya.

Kinontra naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang resulta ng SWS survey.

Ayon kay Sec. Silvestre Bello III, batay sa record ng ahensiya ay nasa 3.3 milyon lamang ang bilang ng mga nawalan ng trabaho.

“Iyan ay ‘di actual joblessness. Ano pa lang ‘yan survey. Kami ang aming record ay ang mga nag-report sa aming employers na either nagsara, o nagsara temporarily, o kaya ay nagbawas ng trabaho o manggagawa,” ani Bello.

Comments are closed.