TUMAAS ang bilang ng mga walang kayod na Pinoy noong Marso, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa datos ng PSA, may 2 milyon ang jobless na Pinoy noong Marso, na katumbas ng unemployment rate na 3.9%, base sa labor force na 51.15 milyong Pinoy na may edad 15 at pataas o labor force participation rate na 65.3%.
Ang bilang ng mga walang trabaho noong Marso ay mas mataas sa 1.8 milyon na naitala noong Pebrero subalit mas mababa sa 2.42 milyon noong Marso 2023.
Ang mga may trabaho ay nasa 49.15 milyon noong Marso 2024, katumbas ng employment rate na 96.1%, kumpara sa 48.95 milyon noong Pebrero na may 96.5% employment rate, at sa 48.58 milyon noong Marso 2023 na may employment rate na 95.3%.
Ang pinakamalaking monthly declines ay naitala sa agriculture and forestry na bumaba ng 318,000; transportation and storage ng 292,000; construction ng 214,000; administrative and support service activities ng 118,000; at human health and social work activities ng 75,000.
Ayon kay National Statistician Claire Dennis Mapa, ang pagbaba ay dahil sa mas mababang produksiyon sanhi ng matinding init na kinakaharap ng bansa bunga ng El Niño.
“Ang isa sa malaking naapektuhan in terms of employment ay ‘yung agriculture sector, kasama na rin ‘yung fisheries… Ito ay talagang related to planting, harvesting, growing,” sabi ni Mapa.
“In the past, talagang may ganon kasi related ito doon sa production naman so siyempre ‘pag bumababa, ‘yung ating operators ay nagbabawas din ng workers,” dagdag pa niya.
Binanggit din ni Mapa ang 202,000 pagbaba sa hog farming para sa buwan dahil ang produksiyon ay naapektuhan din ng African swine fever (ASF).
“Ito ‘yung continuous ‘yung problem ng ASF. May mga probinsya na nagkaroon ng ASF kaya nagkaroon ng reduction sa production nila,” aniya.
Pagdating sa construction, iniulat ni Mapa ang 214,000 pagbaba kung saan may dalawang major groups ang nagtala ng monthly declines sa nasabing buwan — ang mga empleyado sa konstruksiyon ng mga gusali ay bumaba ng 174,000, habang ang electrical installers ay nabawasan ng 53,000.
Samantala, ang underemployed individuals o yaong mga naghahanap ng dagdag na working hours o trabaho ay bumaba sa 5.39 million, katumbas ng underemployment rate na 11.0%.
“This marks an improvement from the 6.08 million individuals and an underemployment rate of 12.4% in February, and the 5.44 million underemployed persons and underemployment rate of 11.2% in March 2023,” ayon sa PSA.