BUMABA ang bilang ng mga walang trabahong Pinoy noong November 2024, ayon sa Philippines Statistics Authority (PSA).
Sa isang press conference, sinabi ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na ang mga walang kayod na Pinoy, na may edad 15 at pataas, ay nasa 1.66 million, bumaba mula 1.97 million noong October 2024.
Year-on-year, ang mga jobless noong November 2024 ay mas mababa rin kumpara sa 1.83 million na naitala noong November 2023.
Bilang porsiyento ng 51.20 million Filipinos sa labor force, na aktibong naghahanap ng trabaho at kabuhayan sa naturang panahon, ang bilang ng jobless individuals ay katumbas ng unemployment rate na 3.2%, bumaba mula 3.9% noong October 2024.
Samantala, ang bilang ng mga Pinoy na may trabaho ay tumaas sa 49.54 million noong November 2024 mula 48.16 million noong October 2024, subalit bahagyang bumaba mula 49.64 million individuals na may trabaho o kabuhayan noong November 2023.
Bilang porsiyento ng mga nasa labor force, ang employment rate ay tinatayang nasa 96.8%, tumaas mula 96.1% month-on-month.
Ayon sa PSA chief, ang kanais-nais na labor statistics ay dahil sa seasonal hype para sa mga manggagawa noong holiday season.
Aniya, nagkaroon ng mahigit 500,000 pagtaas sa bilang ng employed persons sa accommodation and food service activities noong Nobyembre.
Ang top five sub-sectors pagdating sa annual increase ng bilang ng may trabaho noong Nobyembre ay ang manufacturing – 784,000; accommodation and food service activities – 528,000; human health and social work activities – 303,000; other service activities – 239,000: at transportation and storage – 190,000.
Samantala, ang apat na sub-sectors na nagtala ng pinakamataas na yearly decreases sa bilang ng mga may trabaho ay ang agriculture and forestry – 1.99 million; wholesale and retail trade; repair of motor vehicles and motorcycles – 327,000; fishing and aquaculture – 276,000; at wectricity, gas, steam and air conditioning supply – 35,000.
Sinabi ni Mapa na ang services sector ay nanatiling top sector pagdating sa bilang ng mga may trabaho na may share na 62.1% ng 49.54 million employed persons noong Nobyembre.
Sumunod ang agriculture at industry sectors na may 20% at 17.9% ng mga may trabaho, ayon sa pagkakasunod.
Iniulat din ng PSA chief na bumaba ang underemployment rate noong November 2024 sa 10.8% mula 12.6% noong October 2024.
Pagdating sa laki, 5.35 million ng 49.54 million employed individuals ang nagpahayag ng pagnanais na magkaroon ng dagdag na oras ng trabaho sa kanilang kasalukuyang hanapbuhay o magkaroon ng karagdagang trabaho, o magkaroon ng bagong trabaho na may mas mahabang oras ng trabaho noong Nobyembre.