JOBSEEKERS PINAG-IINGAT NG POEA: ONLINE SEMINAR SCAM

POEA

BINALAAN ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga Filipinong nag­hahanap ng trabaho sa ibang bansa laban sa emails na nagsasabing napili sila para sa trabaho abroad.

Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, nagpapadala ang mga manlolokong indibidwal o grupo ng email gamit ang pangalan ng isang lisensiyadong Philippine recruitment agency na lingid sa kaalaman ng huli para makaakit ng mga ina­asahang biktima.

“The email has this standard subject line: ‘Last 8 slots left for XYZ INTERNATIONAL MANPOWER SERVICES (POEA License No. 1223-3837) for the first 20 applicants for Canada June 2020 Deployment’,” sabi ni Olalia.

Ang mga trabaho ay sinasabing bukas sa mga bansang tulad ng United Kingdom, Canada at United States.

Ani Olalia, ang mga target victim ay hinihi­ngan ng  P3,000 bilang reservation fee na ipadadala sa pamamagitan ng isang remittance company para sa sinasabing mandatory orientation seminar na isasagawa sa tanggapan ng licensed recruitment agency.

Ang mga jobseeker ay pinangangakuan din, aniya, ng mataas na sahod, ‘di pagbabayad ng placement at processing fees, at iba pa na mahirap pani-walaan.

“Unsolicited job offers through email and social media which requires payment of fees for seminar, documentation, and processing of visa and other travel documents is a sure sign of a scam,” sabi pa niya.

Kaugnay nito ay pi­nayuhan ni Olalia ang mga aplikante na i-va­lidate ang authenticity ng mga inaalok na trabaho sa POEA sa pamamagitan ng veri-fication system nito sa poea.gov.ph at hotlines 8722-1144 at 8722-1155.

Pinayuhan din niya ang publiko na agad na i-report ang anumang kahina-hinala o illegal online recruitment activities sa Anti-Illegal Illegal Recruitment Branch’s Operations and Surveillance Division sa email [email protected]. PNA

Comments are closed.