KUMANA si Nikola Jokic ng triple-double nang pataubin ng bumibisitang Denver Nuggets ang kulang sa taong New Orleans Pelicans, 105-99, noong Miyerkoles ng gabi.
Nagtala si Jokic ng 20 points, 13 rebounds at 10 assists, nagdagdag si Malik Beasley ng 22 points mula sa bench, umiskor si Monte Morris ng 20 at gumawa si Paul Millsap ng 13 para sa Nuggets na nagwagi ng apat na sunod.
Naglaro ang Pelicans na wala ang lima sa kanilang top six scorers sa ikalawang sunod na gabi. Sina Anthony Davis, Julius Randle, Elfrid Payton, E’Twaun Moore at Nikola Mirotic ay pawang na-sideline dahil sa injury, at natira lamang si guard Jrue Holiday sa top six players ng New Orleans.
Nanguna si Holiday para sa Pelicans na may 22 points, at nag-ambag si Kenrich Williams ng 21 points.
CELTICS 126, HORNETS 94
Pinunan ni Terry Rozier ang butas na iniwan ni injured Kyrie Irving at kumamada ng 17 points, 10 assists at 5 rebounds nang gapiin ng Boston ang bumibisitang Charlotte.
Nakontrol ng Celtics ang laro sa third quarter, kung saan na-outscore nito ang Hornets, 35-16, upang palobohin ang four-point halftime lead sa 23. Umabante sila ng hanggang 35 points sa fourth quarter.
TIMBERWOLVES 99, GRIZZLIES 97 (OT)
Naisalpak ni Karl-Anthony Towns ang isang 20-foot jump shot sa overtime buzzer, at naitakas ng Minnesota ang panalo laban sa Memphis, na na-lasap ang ika-8 sunod na kabiguan sa road.
Tumipa si Towns ng 16 points at 10 rebounds habang umiskor si Jerryd Bayless ng 19 points at nagbigay ng career-high 12 assists para sa Tim-berwolves.
Nagmintis si Andrew Wiggins ng Minnesota sa isang 21-foot jumper, may tatlong segundo ang nalalabi sa overtime. Nakuha ni Towns ang re-bound sa wing at naipasok ang kanyang game-winning shot bago naubos ang oras.
Nanguna si Mike Conley para sa Grizzlies na may 26 points at 8 assists.
MAVERICKS 114, KNICKS 90
Tumapos si Dennis Smith, Jr. na may triple-double at umiskor si Dirk Nowitzki ng season-high 14 points sa kanyang posibleng finale sa Madison Square Garden nang mamayani ang bumibisitang Dallas laban sa New York.
Nagwagi ang Mavericks ng tatlo sa apat. Natalo ang Knicks ng 11 sunod, 19 of 20 at 24 of 26. Ang New York (10-40) ang may pinakamasamang record sa NBA.
Nagbuhos si Smith ng 13 points, 15 assists at 10 rebounds. Nanguna si Harrison Barnes sa lahat ng scorers na may 19 points, habang nagdagdag sina Wesley Matthews ng 17 points at rookie sensation Luka Doncic ng 16 points at 8 rebounds.
Nagbida si Kevin Knox sa New York na may 17 points.
Sa iba pang laro ay pinalamig ng Bulls ang Heat, 105- 89; pinadapa ng Wizards ang Pacers, 107- 89; kinatay ng Kings ang Hawks, 135-113; at pinaso ng Trail Blazers ang Jazz, 132-105.
Comments are closed.