JOKIC HUMATAW NG TRIPLE-DOUBLE SA PANALO VS BLAZERS

Nikola Jokic

NAKOPO ni Nikola Jokic ang kanyang ika-13 triple-double sa season at nalusutan ng Denver Nuggets ang 44-point performance ni Damian Lillard upang pataubin ang Portland Trail Blazers, 122-113, nitong Martes.

Tumapos si two-time NBA Most Valuable Player Jokic na may 36 points, 12 rebounds at 10 assists habang nahila ng Denver ang kanilang winning streak sa pitong laro upang umangat ng isang laro sa Memphis sa ibabaw ng Western Conference.

Ito ang ika-17 30-point triple-double sa career ni Jokic, na naglagay sa kanya sa ika-7 puwesto kasama sina Magic Johnson at Larry Bird sa all-time rankings.

Ang Serb ay isa sa limang Denver players sa double figures — nagdagdag si Michael Porter Jr. ng 23 points at tumipa si Jamal Murray ng 17.

Kumubra si Bruce Brown ng 12 mula sa bench habang nag-ambag si Aaron Gordon ng 11.

Spurs 106, Nets 98

Nalasap ng depleted Brooklyn Nets ang ikatlong sunod na kabiguan nang yumuko San Antonio Spurs.

Ang Nets ay naglaro na wala sina Kevin Durant (knee) at Kyrie Irving (calf) through injury, at ang kanilang pagliban ay naging kritikal dahil tumabo si Spurs star Keldon Johnson ng career-high 36 points at 11 rebounds.

Sa panalo ay naputol ang five-game losing streak ng San Antonio, na nanatili sa ilalim ng Western Conference na may 14 wins at 31 defeats.

Ang Brooklyn ay hindi pa nananalo magmula nang magtamo si Durant ng right knee injury kontra Miami noong January 8.

Sa iba pang laro, pinataob ng Giannis Antetokounmpo-less Milwaukee ang Toronto, 130-122,

Tumapos si Jrue Holiday na may season-high 37 points, na sinamahan ng 6 rebounds at 7 seven assists, para sa second-placed Milwaukee na lumapit sa Boston sa ibabaw ng Eastern Conference.

Samantala, nagbuhos si Joel Embiid ng 41 points nang gapiin ng Philadelphia 76ers ang Los Angeles Clippers, 120-110, sa road.

Nanatili ang Sixers sa third spot sa Eastern Conference standings sa 28-16.