JOKIC, NUGGETS KINALDAG ANG CELTICS

Nikola Jokic

HUMATAW si Nikola Jokic ng triple double na may 30 points, 12 rebounds at 12 assists upang pangunahan ang host Denver sa 123-111 panalo kontra Boston sa showdown ng NBA conference leaders noong Linggo.

Isinalpak ni two-time reigning NBA Most Valuable Player Jokic ang 10-of-13 shots mula sa floor, kabilang ang dalawang 3-point attempts, at nagtala ng 8-for-8 mula sa free throw line upang maiposte ang kanyang ika-9 na triple double sa season.

Umangat ang Nuggets sa 24-12, hinila ang kanilang Western Conference lead sa isang laro sa ika-10 panalo sa 12 laro at pinutol ang fourgame win streak ng Boston.

“We’re playing a good brand of basketball,” wika ni Denver’s Andrew Gordon, na nag-ambag ng 18 points, 6 rebounds at 7 assists.
“It’s about handling business. We ended up handling business. It’s not about the other team. It’s about the standard that we hold ourselves to. Tonight we held that standard.”

Tinalo ng Denver, 14-3 sa home, ang Celtics sa unang pagkakataon magmula noong November 2019.

Nagdagdag si Bruce Brown ng 21 points para sa Denver habang umiskor si Michael Porter Jr. ng 19.

Nanguna si Jaylen Brown para sa Boston na may 30 points at 8 rebounds habang nag-ambag si Jayson Tatum ng 25 points, 7 rebounds at 6 points para sa Eastern Conference-leading Celtics, na tangan pa rin ang best record sa NBA sa 26-11.

WIZARDS 118, BUCKS 95

Umiskor si Rui Hachimura ng Japan mula sa bench ng game-high 26 points upang pangunahan ang Washington Wizards aa panalo kontra Milwaukee Bucks.

Nagdagdag si Latvian center Kristaps Porzingis ng 22 points at naiposte ni Kyle Kuzma ang kanyang ikalawang career triple double na may 10 points, 13 rebounds at 11 assists para sa Wizards (17-21). Hinila ng Washington ang kanilang win streak sa limang laro sa kabila ng pagliban ni star guard Bradley Beal.

Nahulog sa 23-13, ang Bucks ay pinangunahan ng 19 points at 10 rebounds ni Bobby Portis, at naglaro na wala si Greek star Giannis Antetokounmpo, na na-sideline dahil sa sore left knee.

GRIZZLIES 118, KINGS 108

Nagbuhos si Ja Morant ng 35 points at nagdagdag si New Zealand center Steven Adams ng 11 points at 23 rebounds upang tulungan ang host Memphis Grizzlies na maitakas ang panalo laban sa Sacramento.

“We took it upon ourselves to step up and deliver,” ani Morant.

Nanguna si De’Aaron Fox para sa Kings (19-16) na may 19 points habang nagdagdag si Domantas Sabonis ng 18 points at 14 rebounds.

Umangat ang Grizzlies sa 23-13, kapantay ng New Orleans sa ikalawang puwesto sa West, sa likod ng Denver.