JONES CUP: GILAS WOMEN KINAPOS SA JAPAN

HUMABOL ang Gilas Pilipinas Women mula sa double-digit deficit, subalit kinapos sa huli upang yumuko sa Japan Universiade, 85-83, sa 2024 William Jones Cup nitong Lunes sa Taiwan.

Nahulog ang mga Pinay sa 1-2  kartada habang umangat ang Japanese squad sa 3-0.

Binura ng Gilas ang 15-point deficit sa likod ng triple ni Khate Castillo upang itabla ang talaan sa  73-all sa fourth quarter, subalit nakumpleto ni Tateyama Moena  ng Japan ang isang three-point play upang bigyan ang kanyang koponan ng four-point advantage, 83-79.

Nagmintis ang Japan sa isang  potential dagger three-pointer na nagbigay-daan kay veteran Afril Bernardino na makumpleto ang kanyang sariling three-point chance at maipuwersa ang   83-all deadlock sa huling 25.4 segundo.

Gayunman, na-foul ng longtime Gilas stalwart si Aoi Yamada, na isinalpak ang dalawang charities at iniwanan ang  Gilas ng 5.3 segundo para makahabol.

Subalit napalakas ang tira ni Naomi Panganiban mula sa downtown at naitakas ng Japanese squad ang panalo.

Nasayang ang all-around outing ni Bernardino na 21 points, 11 rebounds, 6 steals, 3 assists, at  3 blocks habang nagdagdag si Jack Animam ng double-double na 20 points  at 11 boards na sinamahan ng 3 assists.

Nanguna sina Fujisawa Yumeha at  Takako Sato para sa Japan na may tig-13 points habang nag-ambag sina  Aoi at  Asahina Yuki  ng tig-10 points.

Ang Japan ay galing sa 97-46 panalo kontra Chinese Taipei A  at 94-42 laban sa Chinese Taipei B.

Sisikapin ng Gilas, natalo sa kanilang unang laro sa Chinese Taipei B subalit nakabawi sa malaking panalo kontra  Malaysia , na makabalik sa winning form sa pagsagupa sa Thailand sa Martes, alas-3 ng hapon.