JOY BELMONTE IDINEMANDA NG CYBER LIBEL; RUMESBAK DIN NG KASO VS MORATO ET AL.

JOY BELMONTE

NAHAHARAP sa kasong cyber  libel  si Que­zon City Vice Mayor Josefina “Joy” Belmonte matapos itong isampa kahapon ng  beteranong reporter  na si Joel Amongo  ng pahayagang Saksi Ngayon  sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Nag-ugat ang kaso bunsod ng mga mapanirang pahayag ni Belmonte sa kanyang Facebook account  laban  kay Amongo sa inilabas na artikulo nito sa  naturang pahayagan na may titulong  JOY BELMONTE SWAK SA GRAFT.

Ang artikulo na lu­mabas noong Pebrero 15 ay  kaugnay sa   kaso sa Ombudsman ni Belmonte at mga kapatid nito na isinampa naman ni dating PCSO Chairman Manuel “Manoling” Morato dahil sa umano’y pakikipagsabwatan para sa planong pagtatayo ng 21-storey  building  sa kinalalagyan ng kanilang ancestral house sa nasabing lungsod.

Sa kanyang complaint-affidavit, sinabi ni Amongo na nagulat siya nang malaman na naglabas ng  mga pagbabanta at paninira  sa kanyang  Facebook page si Belmonte na: “And the FAKE NEWS begins. Joel Amongo and SAKSI tabloid, hindi ko alam kung saan kayo nag-aral ng Journalism or baka naman hindi talaga kayo nag-aral dahil ni hindi ninyo alam ang fundamental values  ng propesyon ninyo. Akala ko ang media ay alagad ng katotohanan hindi alagad ng bayaran at kasinungalingan. In any case, I am suing YOU for LIBEL. Both you JOEL AMONGO and SAKSI. Malas ninyo kasi I have all the evidence to show your story is a complete fabrication and I smell dirty political tactics in the air, as perpetuated by my  desperate opponents. Alam kasi nila malinis akong  maglaro pero di nila akalain matapang at palaban  ako kapag ako  ay nasa TAMA. Wag ka­sing magpagamit. Kayo rin ang talo. Sabi nga ng nanay ko na si Betty Go Belmonte isang batikang mamana nag-aral sa UP at founder  ng napakaraming respetado at matitinong diyaryo-THE TRUTH SHALL PREVAIL. Sa lahat ng abogado na nagvolunteer para matulunga akong magfile ng libel case, mabuhay kayo. God bless The Truth.”

Sinabi ni Amongo na sinira ni Belmonte ang kanyang pangalan sa mapanlinlang na pahayag sa  social media.  “Grabe ang paninira sa akin ni Vice Mayor Belmonte, kung mangutya ganu’n na lang,” mariing pahayag ni Amongo sa panayam ng PILIPINO Mirror.

Pinanindigan din ni Amongo na pawang katotohanan lamang ang kanyang mga isinulat base na rin sa reklamong isinampa ni  Morato sa Office of the Ombudsman.

Dalawang milyong pisong danyos ang hi­ningi  ni Amongo sa asunto laban sa bise alkalde.

Samantala,  nagsampa naman ng kasong  libel at cyber libel ang bise alkalde laban kay Amongo at sa pahayagang Saksi Ngayon sa  Quezon City  Prosecutor’s Office  dahil sa nasabing artikulo.

Kasama ring kinasuhan si Morato na siyang source ng nasabing artikulo.

Mariing iginiit ni Belmonte na malisyoso ang balitang ipinakalat  nina Amongo at Morato    na nakialam siya sa Konseho ng Lungsod Que­zon  kaugnay sa naturang property ng mga Morato.

Nang  kunin  ang pahayag ni Belmonte ay sinabi nitong  pinag-iisipan pa niyang magdagdag ng kasong sibil.

“I am confident that I will be cleared of these false accusations, so I have filed the case to do justice to the truth and, more importantly, show that there is no space for “fake news” and disinformation in Quezon City,” pahayag pa ni Belmonte.

Kasama sa mga kinasuhan ni Belmonte sina Cong. Antonio Lagdameo,  chairman of the board; Atty. Victor Rodriguez, presi-dent and publisher; Mina Satorre, general manager and VP for Editorial; Tess Sorsogon, advertising sales manager; Lito Tugadi,  circulation manager; Jesus Galang, managing editor; at board of editors na sina Eralyn Prado, Virgina Romano at Ruben Banares.

Samantala, sinabi naman ni Atty. Ariel Inton, isa sa mga abogado ni Belmonte na hindi isina­santabi ng kampo ng mga Belmonte na may halong pamumulitika ang naturang usapin dahilan sa timing ito kung kailan pumutok ang isyu. BENEDICTO G. ABAYGAR