JUETENG SA PANGASINAN MULING UMARANGKADA, PERYAHAN NG BAYAN NI MANALAC FRONT NG ILEGAL NA SUGAL

JUETENG

SA GITNA ng kahirapang dinaranas ng mga mamamayan sa bansa dahil sa lagim na inihasik ng Covid-19 ay isang linggo nang umaarangkada ang ilegal na sugal sa lalawigan ng Pangasinan na umano’y binigyan ng basbas ng lokal na kapulisan at mga tiwaling lingkod-bayan sa lalawigan.

Sa sumbong na ipinarating kahapon sa mga taga-media ng isang alkalde ng lalawigan ay sinabi nitong obyus ang sabwatan ng mataas na opisyal ng Kapitolyo at mga tiwaling heneral sa PNP regional command upang  largahan ang operasyon ng ilegal na sugal ng isang alyas Tony Ong.

“Jueteng ang palaro ni Ong at isang alyas Fajardo na kinakaladkad ang pangalan ng isang Chito Manalac na umano’y operator ng Peryahan ng Bayan,” pahayag ng nagsusumbong na alkalde.

Sabi pa niya: “Maging ang Peryahan ng Bayan na ginawang front ng jueteng para magmukhang legal ay umano’y  ilegal din sapagkat bukod sa utos mismo ni Pres. Duterte na nagbabawal pa sa operasyon ng PnB ay wala rin basbas ang PCSO para sa muling pagbukas ng gaming operations katulad ng lotto, STL at PnB.”

“Laging ipinagyayabang nitong si Ong sa aming mga alkalde na hindi pwedeng ipahinto ng gaya naming punong-bayan ang kanilang ilegal na sugal dahil may basbas na umajo ang PnB mula sa taga-Camp Crame at regional PNP at maging ng isang mataas na opisyal ng PCSO,” sabi pa ng nagsusumbong na alkalde.

Kanyang idinagdag na umiikot umano ang mga kubrador ng jueteng ni Ong na wala ring  pagsunod sa tinawag na  health protocol ng IATF katulad ng  magkaka-angkas sila sa mga motor at walang face masks.

“Iyong pag-ikot-ikot nila sa mga pamayanan ng lalawigan upang magpataya ay isang uri rin ng

matinding banta sa kalusugan ng mga residente ngayong lalo pang tumindi ang pagkahawa-hawa ng Covid-19,” pagtatapos na pahayag ng alkalde.

Comments are closed.