JUNIOR BLU GIRLS SA FINALS

NAGING susi si Royeve Palma sa matagumpay na pagtuntong ng host Philippines sa four-team page system finals makaraang sibakin ang Korea, 5-2, sa 7th Asian Junior 19-Under Women Softball sa Clark International Sports Complex sa Pampanga.

Nilimitahan ni Palma, no. 1 sa five-woman pitching staff at beterano ng dalawang World Series noong 2013 at 2014, ang mga Koreano sa tatlong hits at nagtala ng 15 strikeouts sa loob ng pitong innings.

“Pinaghandaan ko ito dahil ako ang gagamitin ni coach at ayaw ko siyang mabigo at ang aking mga kasamahan. Masaya ako at nagawa ko,” sabi ni Palma.

Hirap masapol ng mga Koreano ang pamosong pitch ni Palma upang mapanatili ng mga Pinay ang kanilang dominasyon sa katunggali.

Sa iba pang laro ay pinaglaruan ng undefeated leader Japan ang Thailand, 16-0, at pinisak ng  defending champion Chinese-Taipei ang wala pang panalong  India sa parehong iskor, 16-0.

Ito ang ikatlong pagkakataon na nakapasok ang Pilipinas sa finals, una noong 1997 sa India kung saan tumapos ang mga Pinay sa ikatlong puwesto, at noong 2004 sa Incheon, South Korea nang maging runner-up ito sa Japan.

Ang laro ng Pilipinas kontra Japan ay nawalan ng saysay dahil kumpleto na ang apat na finalists na kinabibilangan ng Japan, Chinese-Taipei, China at Philippines sa  torneo na inorganisa ng Softball Federation Asia at sinuportahan ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.

Maghaharap ang Japan at Chinese-Taipei habang magsasagupa ang Pilipinas at China.  Ang mananalo sa Japan-Chinese Taipei duel ay aabante sa No. 1 at ang matatalo ay sasagupain ang magwawagi sa Pinas at China. Ang dalawang matitira ang maglalaban sa winner-take-all match na magsisimula sa Biyernes, Mayo 18. CLYDE MARIANO

Comments are closed.