JUNJUN BINAY SUPORTADO NG WOMEN’S GROUP

JUN JUN BINAY

Sa gitna ng napipintong pagtakbo ni dating Makati Mayor Jun¬jun Binay bilang alkalde, nagpahayag ng kahandaan ang mga kasapi ng organisadong kababaihan ng lungsod kahapon na suportahan at ikampanya ang kandidatura ng isang alkalde na subok nang nangangalaga sa pangangailangan ng kababaihan.

Ito ay ayon sa kasapi ng Makati Women’s Kalipi na si Marjorie Bindoy, na matagal nang nagli­lingkod bilang opisyal ng nasabing grupo at personal na nasaksihan ang suportang ibinigay noon ni Binay at ng kanyang amang si dating Vice President Jejomar Binay.

“Si VP ang nanguna upang maitatag ang Women’s Watch noong taong 2000. Nang si Mayor Junjun na ang pumalit noong 2010, hi­nimok niya kami at ibinigay ang suportang aming kinailangan upang lalo pang lumago ang a­ming samahan at makatulong sa mas maraming kababaihan,” ayon kay  Bindoy.

Ang Women’s Watch at ang Kalipi ay ang organisasyon ng mga volunteer na kababaihan sa Makati na tumutulong sa mga battered women sa lungsod. Nakabase ito sa mga barangay sa Makati at nakikipagtulungan sa Makati Social Welfare Department (MSWD) upang bigyan ng legal assistance ang mga biktima ng kalupitan sa kababaihan at mga bata ayon sa itinadhana ng Republic Act 9262, o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

Ayon kay Bindoy, “ang aming mga volunteer ay sumasailalim sa mga seminar at pagsasanay upang kanilang mapaghusayan ang pagtulong sa ibang mga kababaihan sa aming mga komunidad. Maliban sa pagbibigay tulong sa mga babaeng nakaranas ng pang-aabuso sa kamay ng kanilang mga asawa, nag-organisa rin kami ng mga self-defense training para sa mga taga-Makati.”

“Sa lahat ng aming mga programa, palaging nakatuwang si Mayor Junjun Binay at nakahandang sumuporta, na malaking bagay sa amin dahil kami ay pawang volunteers lamang at walang suweldo,” dagdag pa ni Bindoy.

Ang volunteer din na si Em Macatangay at residente ng Makati mula pa noong 1972 ay nagpahayag ng pagkasiya nang malamang pinag-iisipan ng dating alkalde ng Makati ang muling tumakbo sa darating na halalan.

“Masaya ako na tatakbo si Mayor Junjun. Siya ay mabait, matulungin, at madaling lapitan. Manang-mana siya sa tatay n’ya,” ayon kay Macatangay.

Sinusugan ang mga sentimiyentong ito ng 32-anyos na volunteer din na si Jacq Gorospe, at nama-manghang kina­lakhan ang pagkakatulad ng mag-amang magkapangalan.

“Walang ka ere-ere ang dalawa. Nu’ng bata ako, nakasalubong ko si VP sa barangay namin, nagjo-jogging. Hindi ko alam na mayor s’ya, magulang ko pa nagsabi sa akin. Nu’ng tumanda ako, nakita ko si Mayor Junjun sa amin, naglalakad, naka-shorts at tsinelas. Gayundin, ‘di ko alam na s’ya pala si Ma­yor Junjun,” natutuwang turan ni Gorospe.

Comments are closed.