NASA 13 sa 16 na mga halal na konsehal ng Makati City at 21 sa 33 na mga kapitan ng barangay sa nasabing lungsod ang nagpahayag ng suporta kay dating Makati Mayor Junjun Binay at nanawagan para sa pagbabalik nito sa puwesto.
Kinumpirma ito kahapon ni Makati 1st District Councilor Ferdinand Eusebio kasabay ng pahayag na may malawakang panawagan para sa pagbabalik ni Binay sa Makati City Hall.
“Subukan ninyong bumaba sa mga barangay at kausapin ang mga taga-Makati mula sa iba’t ibang sektor, mararamdaman ninyo ang pangungulila nila kay Mayor Junjun. Nami-miss nila ang serbisyong Binay,” deklara ng beteranong opisyal ng Makati.
“Kaya ‘di na rin kami nagtataka kung bakit may mga lumalabas na mga reklamo mula sa iba’t ibang sektor tulad ng mga senior, mga vendor, at iba pa. Matagal na naming naririnig ang problema nila,” ayon kay Eusebio.
Kamakailan lamang ay pinuna ng mga senior citizen, mga vendor at may-ari ng maliliit na negosyo ang umano’y ‘pusong-bato’ ni Mayor Abby Campos at ang kawalan ng aksiyon sa pangangailangan ng mga napag-iiwanang sektor sa lungsod.
Sinabi naman ni 1st District Councilor Marie Alethea S. Casal-Uy na ang kawalan umano ng pakialam ni Mayor Campos sa mga hinaing ng mga ito ang maaaring nagbunsod sa mga taga-Makati na maghayag ng kanilang hinaing.
“Mananahimik ang mga iyan kung wala naman silang problema sa pamamahala. Ngunit ang mga taga-Makati ay sanay sa isang City Hall na Binay ang namumuno––isang pangasiwaang panlungsod na tunay na kumakalinga at hindi tumatalikod sa kanilang mga hinaing. Tingin ko, hindi nila naramdaman iyan sa nakalipas na dalawang taon,” ani Casal-Uy.
Dagdag pa ni Mario Montanez, isang opisyal ng Barangay Bangkal, ang kawalan ng malasakit ng City Hall ay umaabot hanggang sa mga opisyal ng barangay sa lungsod.
“’Yung partnership ng mga barangay at City Hall, nawala ‘yun sa ilalim ni Mayor Campos. ‘Di kami kinakausap tungkol sa mga polisiya at patakaran sa sarili naming barangay. Puro one-way ang communication,” nadidismayang pahayag ni Montanez.
Ang komunikasyon at katapatan sa pagkakaisa sa paglilingkod, ayon naman kay 2nd District Councilor King Yabut, ay ang siyang nais ibalik ng kanyang mga kapwa konsehal at ng iba pang opisyal sa lungsod.
“Sa pangangasiwa ni Mayor Junjun hindi man kami nagkakaunawan sa lahat ng pagkakataon, ngunit laging bukas-palad ang kanyang pamumuno para sa lahat. Mula sa aming mga konsehal hanggang sa karaniwang taga-Makati sa kalsada, kayang ilapit sa kanya ang mga hinaing. Kaya nga siya popular; hindi tumatalikod si Mayor Junjun, walang tinatanggihan, at laging maaasahan. Kaya nga noong reelection niya noong 2013, ibinoto siya ng mahigit 80% ng mga taga-Makati,” giit ni Yabut.
Noong 2013 local elections, nakakuha si Mayor Junjun Binay ng 208,748 boto at 182,957 ang kanyang inilamang sa kanyang katunggaling si Rene Bondal, na 25,791 boto lamang ang nakuha.
Comments are closed.