JUSTINE CHUA TOP BUBBLE D-FENDER

Justine Chua

TUNAY na isang breakthrough campaign ang Philippine Cup bubble para kay big man Justine Chua.

Tatanggapin ng Phoenix stalwart ang unang major personal career award makaraang mapiling Top Bubble D-Fender ng PBA Press Corps sa katatapos na season.

Opisyal na igagawad kay Chua ang parangal sa March 7 sa PBAPC virtual Awards Night sa TV5 Media Center. Ang special event ay handog ng Cignal TV at mapapanood sa PBA Rush sa March 8.

Ang 6-foot-6 center mula sa Ateneo ay naging top shot blocker sa Clark bubble, kung saan may average siya na 1.6 per game bilang last line of defense para sa Fuel Masters.

Nagtala rin siya ng averages na 11.7 points at 6.7 rebounds kung saan naging malakas na contender siya para sa PBA Most Improved Player award.

Kasabay nito, si Chua ang nangunguna sa All-Bubble D-Fenders unit kasama sina NorthPort’s Christian Standhardinger; Calvin Abueva, dating mula sa Phoenix ngunit ngayon ay nasa Magnolia na; Chris Ross ng San Miguel Beer; at  Mark Barroca ng Magnolia.

Si Chua, 31, ang ikalawang player ng Phoenix na tatanggap ng distinct bubble awards na igagawad ng grupo na nagko-cover sa PBA beat.

Nauna nang pinangalanan si RJ Jazul bilang Mr. Quality Minutes.

Ang iba pang awards na ipagkakaloob ay ang Outstanding Coach of the Bubble, Mr. Executive, President’s Award, at isang special citation.

Ang mga awardee na nauna nang pinangalanan ay si CJ Perez (Scoring Champion),  ang All-Rookie Team nina Aaron Black, Arvin Tolentino, Roosevelt Adams, Barkley Ebona, at  Renzo Subido, at ang Game of the Bubble na tinatampukan ng Barangay Ginebra at Meralco.

Pararangalan din sa okasyon ang mga awardee sa naunang season, sa pangunguna nina 2019 Baby Dalupan Coach of the Year Leo Austria ng San Miguel; Danny Floro Executive of the Year PBA Chairman Ricky Vargas;  Presidential Awardee Vergel Meneses, mayor ng Bulakan, Bulacan at isa sa PBA’s 25 Greatest Players; at Defensive Player of the Year Sean Anthony ng NorthPort.

Comments are closed.