ISABELA- INILUNSAD ng Santiago City Police Office (SCPO) programang ‘Kabataan Kontra Ilegal na Droga at Terorismo’ (KKDAT) na layong paigtingin ang kampanya laban dito.
Ayon kay SCPO Director Col. Reynaldo Dela Cruz, ang binuo nilang programang KKDAT ay upang ituro sa mga kabataan kung papaano nila iwasan ang droga gayundin ang pagsanib sa terorismo.
Sinabi pa ni Dela Cruz, sa mga nakaraang operasyon ng pulisya ay kapansin-pansin na ang madalas na nadadakip ay mga kabataan o menor de edad kung kaya’t patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa tanggapan ng City Social Welfare and Development (CSWD) para sa psychological counselling ng mga nahuhuli.
Kasabay nito, pinulong ng SCPO ang mga punong barangay ng lungsod upang makiisa sa inilunsad nilang programa para sa mga kabataan.
Sa talaan ng SCPO, humigit kumulang 20 kabataan ngayong taon ang nadakip dahil sa pagkakasangkot sa illegal na droga partikular sa pag-gamit ng marijuana.
Ang mga naaarestong kabataan ay kadalasang dinadala sa Balay Sagipan o Boys Town na matatagpuan sa Barangay Balintocatoc, Santiago City.IRENE GONZA-LES
Comments are closed.