KAGAWAD NG PNP  AT GRUPO NG NPA NAGKA-ENGKUWENTRO

pinagbabaril

CAGAYAN – UMABOT sa mahigit sa 20 armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang namataan ng mga kagawad ng pulis sa may Barangay Dungeg, Sta Teresita, Cagayan na nauwi sa palitan ng mga putok ng dalawang panig kamakalawa ng gabi.

Gayunpaman, wala namang nasugatan sa nangyaring engkuwentro sa pagitan ng mga pulis at armadong grupo sa nasabing lugar.

Isang text message ang umano’y natanggap ng mga tauhan ni P/Capt. Marilou Pichay na may mga grupo na lulan ng mga motorsiklo at armado ng mga baril sa nabanggit na lugar.

At habang patungo ang mga kagawad ng pulisya sa Sitio Karayatan ay napansin ng kanilang mga intel operatives na sakay ng motorsiklo ang ilan sa mga armadong kalalakihan kaya’t agad na bumaba sa kanilang sinasakyang Police Car  ang mga awtoridad na napansin din umano ng mahigit sa dalawampung armadong grupo at dito na nagpaputok ang mga NPA.

Mabilis naman gumanti ng putok ang mga awtoridad na naging daan para magpulasan sa hindi malamang lugar ang makakaliwang grupo.

Sinabi pa ni Pichay na habang nagpapaputok ng baril ang makakaliwang grupo ay papatakas sila sa lugar na bulubunduking bahagi ng Sierra Madre.

Kaugnay nito, sinabi ni Pichay na maaring napadaan lang umano ang nasabing grupo sa nasabing lugar na nasabat kung kaya’t nauwi sa palitan ng putok ng baril ng dalawang grupo. IRENE GONZALES