KAGAWAD TUMBA SA PAMAMARIL

pagbabarilin

LAGUNA – HINDI na umabot pa nang buhay sa pagamutan ang 51-anyos na barangay kagawad matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang bilang ng mga suspek sa mismong harapan ng kanyang bahay sa San Isidro Subd., Brgy. Dela Paz, lungsod ng Biñan, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PLt. Col. Danilo Mendoza, hepe ng pulisya, ang biktimang si Romeo Manalo, may asawa, at naninirahan sa nasabing lugar.

Sinasabing nagtamo ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktimang si Manalo mula sa kalibre .45 baril na ginamit ng mga suspek na agad nitong ikinamatay.

Sa imbestigasyon, bandang alas-11:45 ng gabi habang aktong nakatayo sa mismong harapan ng kanilang bahay ang biktima nang bigla umanong sumulpot sa lugar ang mga suspek habang lulan ng isang tricycle bago isinagawa ang pamamaril.

Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa mabatid na lugar makaraan ang insidente.

Samantala, patuloy naman na inaalam ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen kung may kinalaman ito sa kanyang negosyo gayundin ang pagkaka­kilanlan sa mga suspek at ang mabilisang pag-aresto sa mga ito. DICK GARAY

Comments are closed.