KAHALAGAHAN NG PRESS FREEDOM IGINIIT

IGINIIT  ni Senador Robin Padilla ang kahalagahan ng malayang pamamahayag sa pagdiriwang ng World’s Press Freedom Day.

“Kung wala ang kalayaan sa pamamahayag, hindi tayo makahubog ng tamang hakbang base sa wastong opinyon at impormasyon,” ayon sa chairperson ng Senate Committee on Public Information and Mass Media.

“Nakalulungkot na hanggang sa ngayon, binabantaan pa rin ang kalayaan sa pamamahayag. Nariyan pa rin ang disinformation at fake news na nanlilinlang sa atin,” dagdag niya.

Tiniyak ni Padilla na sinisikap niyang tugunan ang mga suliraning ito sa pamamagitan ng paghahain ng panukalang batas upang maparusahan ang pagkakalat ng “fake news” habang iginagalang ang karapatan sa pamamahayag ng bawat Pilipino na nakasaad sa Saligang Batas.

“Ang ating kolektibong mithiin — ang dumating ang araw na responsable nating maipatupad ang kalayaan sa pamamahayag, at tuluyang maiwaksi ang pagkalat ng maling impormasyon sa lahat ng plataporma,” ayon pa sa mambabatas.
LIZA SORIANO