TILA literal na sinusubok ng panahon ang katatagan ng mga Filipino. Noong nakaraang linggo, dalawang bagyo ang magkasunod na pumasok sa bansa – ang bagyong Pepito at ang bagyong Quinta. Marami na ang nasalanta ng nasabing mga bagyo, partikular na ang bagyong Quinta na nanalasa sa rehiyon ng Bicol at sa timog na bahagi ng Luzon. Hndi pa man tuluyang nakakabangon ang mga nasalanta ng bagyong Quinta, agad itong sinundan ng bagyong Rolly, ang tinaguriang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon.
Hindi pa man tuluyang umaalis sa bansa ang bagyong Rolly, may kasunod na agad ito na isa pang bagyong pinangalanang ‘Siony’ na pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa unang araw ng Nobyembre. Sa loob lamang ng halos tatlong linggo, apat na bagyo na ang pumasok sa ating bansa.
Halos taon-taon ay samu’t saring uri ng kalamidad ang tumatama sa ating bansa. Nariyan ang mga bagyo, lindol, at pagputok ng bulkan. Ang nasabing mga kalamidad, partikular na ang bagyo, ay tila pangkaraniwang pangyayari na sa Filipinas. Sa loob ng isang taon, umaabot sa humigit kumulang 20 bagyo ang tumatama sa bansa. Ito ay dahil sa ang Filipinas ay matatagpuan sa tinatawag na Pacific Ring of Fire at Typhoon Belt.
Kaugnay nito, noong Mayo ng taong 2010 ay isinabatas ang Repulic Act 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) Act. Layunin ng nasabing batas ang pagkakaroon ng komprehensibo, pangkalahatan, at maagap na paghahanda para sa nasabing mga kalamidad upang maibsan ang mga maaaring epekto ng mga ito. Sa ilalim ng nasabing batas ay may mga plano at mga patakaran patungkol sa anumang uri ng kalamidad na maaaring ipatupad anumang oras ito kailanganin. Ang batas na ito ang nagbigay-daan sa pagbuo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ng bansa noong Hunyo 2011.
Ang NDRRMC ang nagsisilbing tagapayo ng pangulo patungkol sa mga hakbang na kailangang isagawa ng pampubliko at ng pribadong sektor para sa kahandaan, operasyon, at rehabilitasyon sa panahon ng mga kalamidad.
Bagaman mayroong NDRRMC na responsable sa pangkabuuan at pangkalahatang kahandaan ng Filipinas sa panahon ng mga kalamidad, nararapat na ang bawat isa sa atin ay may sarili ring sistema ng paghahanda upang masiguro ang ating pansariling kaligtasan.
Dahil sa madalas na pagtama ng mga kalamidad sa ating bansa, makabubuti kung tayo ay magiging maagap sa pamamagitan ng paghahanda ng tinatawag na go-bag na maaaring bitbitin anumang oras na kinailangang lumikas. Ang go-bag ay karaniwang naglalaman ng first aid kit, flashlight, ekstrang baterya para sa flashlight, pito, tubig na inumin, pagkain, damit na pamalit, kumot, tuwalya, kagamitang panligo o panlinis ng katawan, at iba pang bagay na maaaring kailanganin sa oras ng emerhensya. Mainam din kung may kopya ng mga mahahalagang dokumento gaya ng mga titulo ng lupa, birth certificate, marriage contract, mga kopya ng ID, at iba pa.
Kung makatanggap ng abiso ukol sa paparating na kalamidad, siguraduhin puno ang baterya ng mga gadget, partikular na ang cellphone at radyo na maaaring gamitin upang makasagap ng balita ukol sa nasabing kalamidad. Malaking tulong ang ugaliing maging alisto sa mga pumapasok na balita upang makapaghanda ng naaayon dito. Siguraduhin ding puno ang baterya ng mga powerbank. Ihanda ang flashlight at ilagay ito sa lugar na madaling tandaan at madaling kunin. Mag-ipon din ng tubig bilang paghahanda sakaling mawalan ng supply ng tubig.
Siguraduhing may listahan ng mga numero na maaaring tawagan sakaling kailanganing humingi ng saklolo sa panahon ng kalamidad. Siguraduhing bawat isa sa pamilya ay may kopya nito.
Kapag nawalan ng koryente sa inyong lugar, i-report agad ito sa distribution utility na nakasasakop sa inyong lugar. Ang mga customer ng Meralco ay makaaasang aaksiyunan ito ng kompanya sa lalong madaling panahon. Nais lamang ding humingi ng Meralco ng kaunting pag-intindi at pasensiya sa mga customer nito para sa mga pagkakataong natatagalan ang pag-responde sa report kumpara sa mga bilis ng responde sa mga normal na araw. Bukod sa lagay ng panahon at sa sitwasyon ay kinakailangan ding alalahanin ang kaligtasan ng mga lineman na gagawa sa lugar.
Ang customer hotline ng Meralco, na sa bilang na 16211, ay handang tumanggap ng tawag 24/7 may bagyo man o wala. Upang mas maging mabilis ang pagsusumite ng report, maghandang ibigay ang kumpletong detalye ng inyong account. Ihanda ang service ID number (SIN) na maaaring makita sa inyong Meralco bill, eksaktong address, pangalan ng taong maaaring makausap ng crew pagdating sa site, numero kung saan kayo maaaring tawagan, at palatandaan sa lugar upang mas madali itong mahanap ng mga crew. Ang mga impormasyong ito ay maaari ring ipadala sa opisyal na pahina ng Meralco sa Facebook at Twitter.
Maaari ring mag-report ng mga isyu ukol sa serbisyo ng koryente gamit ang Meralco Mobile App. Maaari itong i-download gamit ang inyong smart phone, Android man o iOS. Kapaki-pakinabang din ito dahil bukod sa pagrereport ng inyong mga reklamo, maaari na ring makita at mabayaran ang inyong Meralco bill gamit ang nasabing app. Maaari ring makita ang kopya ng inyong bill kada buwan.
Anuman ang panahon, anuman ang sitwasyon, makaaasa ang mga customer ng Meralco na handa ang kompanya na rumesponde sa kanilang mga report. Makaaasa ang mga customer sa 24/7 na serbisyo ng Meralco, lalo na sa panahon ng kalamidad.
Comments are closed.