KAHINA-HINALANG PROBISYON NA NAIS ISINGIT SA GAA NA NAGBABALEWALA SA ELECTION SAFEGUARDS ‘DI MAGTATAGUMPAY

TATAK PINOY

ISINUSULAT natin ito ay nagsisimula na ang bicameral deliberations patungkol sa P4.5 trilyong national budget para sa 2021.

Matapos ang masinsinan at puyatang pagdinig ng pambansang budget sa Senado, pumasa ito noong nakaraang linggo at ngayon ay nakahain para sa bicameral conference. Dito paplantsahin ang mga gusot o ang mga ‘di magkakatugmang bersiyon ng Mataas na Kapulun-gan at ng Kamara at magkaroon ng isang bersiyon ang General Appropriations Act na isu-sumite sa Pangulo para mapagtibay.

Inaasahan natin na pagdating ng Enero 1, may bago nang pondo ang gobyerno para mapakilos na ang lahat ng programang nangangailangan ng kagyat na aksiyon tulad ng suliranin sa COVID-19 at mga nagdaang kalamidad.

At kaugnay po ng  usapin sa budget, tayo po ay nakikiisa, bilang pinuno ng Senate com-mittee on finance, sa agarang aksiyon ng Senado na pagharang sa umuugong na panukala umano ng isang kasamahan nating lehislador na magsingit ng isang kahina-hinalang probisyon sa 2021 GAA.

Nilalayon po kasi ng umano’y panukalang ito na isantabi ang tests and certifications o ang election procurement safeguards na titiyak sa seguridad ng mga kagamitang gagamitin sa au-tomated polls.

Napakairesponsable namang panukala ito kung magkagayon. Isa itong malinaw na paglabag sa mga batas na nilalaman ng Automated Election Law.

Tayo po ay agad na kinalampag ni Senate President Tito Sotto kaugnay ng alingasngas na ito at tayo po, bilang pinuno ng 12-member Senate panel sa bicam deliberations, ay handang maging bantay upang hindi magtagumpay ang panukalang ito.

Maging ang kasamahan nating senadora na si Senator Imee Marcos na chairman ng Senate committee on electoral reforms, ay nagulat sa umano’y panukalang ito ng kung sino mang proponent.

Hanggang sa kasalukuyan, wala pa po tayong ideya kung sino ang nasa likod ng napa-kairesponsableng proposisyong ito. Ito ay malinaw na pambabastos sa Saligang Batas.

Lumutang ang usaping ito matapos ang isang pasabog na impormasyon ng isang election lawyer na nagsabing may isa umano tayong kasamahan sa Senado na nagtutulak na magsingit ng naturang probisyon sa GAA. Kung totoo man, malinaw na paglabag ito sa nilalaman ng Section 12 ng Automated Election Law.

Bagaman hindi po pinangalanan ng nasabing election lawyer ang sinasabi niyang kasama-han nating senador na nagtutulak sa naturang iresponsableng panukala, tinitiyak po nating hindi ito lulusot sa anumang paraan.



Tungkol pa rin po sa usapin sa 2021 national budget, may nakalaan na pong pondo para sa pag-empleyo ng sangay ng hudikatura sa may 100 judges-at-large.

Sagot po ito ng Mataas na Kapulungan sa hinaing ni Supreme Court Chief Justice Di-osdado Peralta noong Setyembre kaugnay sa pasuweldo sa mga judges-at-large sa 2021 pro-posed budget ng judiciary.

Sa ilalim kasi ng National Expenditure Program, para sa fiscal year 2021, walang budget-ary allocation para sa judges-at-large law. Kaya sa ating committee report, naglagay ang Se-nado ng tinatayang P245M upang mapondohan ang dagdag na bilang ng judges-at-large. Iyan po ang napagkaisahan ng mga senador nang talakayin sa plenaryo ang P44.5B judiciary budg-et, bago tuluyang lumusot sa Mataas na Kapulungan ang 2021 national budget.

Ngayong taon, mayroon lamang tayong 50 judges-at-large. At dahil sa idinagdag nating pondo para rito, maaari nang madagdagan ng 100 ang mga hukom na ito. Maitatalaga nito ang 60 judges-at-large sa mga regional trial court at 40 naman sa mga municipal trial court.

Ano po ba ang papel ng judges-at-large? Sila po ‘yung mga hukom na nakatutulong upang mapabilis ang paggulong ng mga kaso at maiwasan ang pagtambak ng mga usapin sa isang korte.

Comments are closed.