(Kahit walang pasok) 20% STUDENT FARE DISCOUNT TULOY PA RIN

Estudyante

IPINAALALA kahapon ng Department of Transportation (DOTr) na patuloy pa ring umiiral ang polisiya hinggil sa pagkakaloob ng 20% discount sa pasahe para sa mga estudyante kahit walang pasok.

Sa isang abiso, sinabi ng DOTr na dapat pagkalooban ng 20% discount ang mga estudyanteng sasakay sa mga pampublikong sasakyan, maging weekend man, holiday, summer o semestral break.

“Basta may student ID, dapat may discount,” ayon pa sa DOTr.

Binalaan din ng DOTr ang mga tsuper ng public utility vehicles (PUVs) na hindi magbibigay ng discount sa mga estudyante na mahaharap sa kaukulang parusa.

Nabatid na ang unang paglabag dito ay may katumbas na multang P5,000.

Ang ikalawang paglabag naman ay may katapat na parusang P10,000 multa at pagkaka-impound ng sasakyan.

Samantala, ang ikatlong paglabag ay may parusang multa na P15,000 at kanselasyon ng prangkisa.

Hinikayat ng DOTr ang publiko na agad na itawag o i-report sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung may nalalaman silang lumalabag sa Student Fare Discount Act o Republic Act 11314 para agad itong maaksiyunan.

-BENEDICT ABAYGAR JR.