KAI SOTTO DARATING NA NGAYONG LINGGO

KAI SOTTO

INAASAHANG dara­ting sa bansa ngayong linggo si Kai Sotto upang samahan ang national team sa paghahanda para sa February window ng FIBA Asia Cup 2021 qualifiers.

Si Sotto, 18, ay nangakong maglalaro para sa Gilas Pilipinas sa third at  final window ng qualifiers na idaraos sa Doha, Qatar makaraang umatras ang Filipinas sa hosting dahil sa ipinatutupad na travel ban ng pamahalaan.

Ayon kay Ryan Gregorio, special assistant to Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio, noong isang linggo pa sana nakauwi si Sotto para samahan ang Gilas sa  training camp nito sa Calamba, Laguna.

“But because of this pandemic, everything is supposed to be cautious,” wika ni Gregorio.

“Hopefully by early next week, we will see Kai in the Philippines,” dagdag pa niya.

Bago ang kanyang pagbabalik sa Filipinas, si Sotto ay nagsasanay sa Team Ignite sa Walnut Creek, Calafornia bilang paghahanda para sa G League season.

Hindi pa ngayon matiyak kung makababalik siya sa oras para maglaro sa torneo na gaganapin sa Disney World Complex sa Florida.

Tiniyak ni Gregorio na susundin ni Sotto ang lahat ng protocols sa kanyang pag-uwi, kabilang ang quarantine period.

Ang Team Ignite ay isa sa 16 koponan na sasabak sa Disney World bubble, na magsisimula sa Pebrero 10 laban sa Jeremy Lin-led Santa Cruz Warriors.

Samantala, dalawang beses na makakasagupa ng Gilas Pilipinas ang South Korea at isang beses ang Indonesia sa  FIBA Asia Cup 2021 qualifiers.

Ang Filipinas ay kasalukuyang may 3-0 record sa Group A.

Comments are closed.