ANG DESISYON ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na tanggalin sa puwesto si Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon ay ikinatuwa ng mga nagbabantay at sumusubaybay sa progreso ng mga kaganapan sa pagdinig sa Senado ukol sa kontrobersiyal na isyu ng Good Conduct Time Allowance or GCTA. Naging matindi ang mga negatibong reaksiyon mula sa publiko nang lumabas ang balitang ma-kalalabas na sa kulungan si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez, na nahatulan sa salang pagpatay at panggagahasa kay Eileen Sar-menta at pagpaslang kay Allan Gomez.
Ang mabilis na pagdedesisyon ng Presidente ukol sa kontrobersiyang kinasangkutan ni Faeldon ay kahanga-hanga. Hindi naman lingid sa kaala-man ng karamihan na bago pumasok sa politika si Pangulong Digong, isa siyang piskal na may malawak na karanasan sa paghawak ng kaso ng mga kriminal. Ito ang dahilan kung bakit hindi na nakagugulat na ginawa niya kung ano ang nararapat upang mahinto ang isang napipintong kaapihan sa pamilya ng mga biktima ni Sanchez at ang kawalan ng katarungan.
Ilang araw pa lamang ang nakararaan nang may lumutang na testigo na nagsasabing ibinebenta ang GCTA sa BuCor. Buong pagtitiwalang inamin ng testigo na humingi rin sila ng tulong sa mga opisyal sa bilangguan upang makalaya nang maaga ang kanilang mahal sa buhay.
Habang ang lahat ng atensiyon ng publiko ay nakatuon sa kontrobersiyal ng kasong ito, marahil ay hindi na napapansin ang isa pang maaaring kaso ng korupsiyon na kinasasangkutan naman ng Bureau of Customs (BOC) at ng ilang mga kompanyang kabilang sa industriya ng konstruksiyon.
Nagkataong ang BOC at BuCor, na parehong iniimbestigahan ng Senado dahil sa hinihinalang korupsiyong nangyayari sa loob ng ahensiya, ay kapwa pinamunuan ni Faeldon.
Habang ang pagdinig sa kaso ng GCTA ay nakasentro sa pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng malalang krimen ni Sanchez, ang hinihinalang korupsiyon naman sa BOC at sabwatan nito sa ilang mga miyembro ng industriya ng kon-struksiyon, partikular na ang mga kompanyang gumagawa ng bakal sa bansa ay mahalaga naman sa administrasyon dahil ipinagkakait nito ang bilyon-bilyong halaga ng buwis.
Maaalalang direktang binanggit ng Pangulo ang BOC sa kanyang State of the Nation Address (SONA) dahil sa talamak na korupsiyon sa nasabing ahensya. Ito ay nagresulta sa pagkakasibak sa puwesto ng higit sa 60 na opisyal at empleyado ng BOC na nasangkot sa gawaing hindi naaayon sa pa-mantayan ng ahensya.
Isinawalat naman ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Dante Jimenez ang hinihinalang sab-watan sa pagitan ng mga opisyal ng BOC at ng mga nangungunang kompanya sa paggawa ng bakal.
Iminungkahi ni Jimenez ang hinala nila na ang mga kompanyang gumagawa ng bakal sa bansa, sa tulong ng mga opisyal ng BOC, ay minamanipu-la ang universal code na ginagamit ng Customs sa pag-aangkat at pag-export ng mga produkto nito.
Ayon pa kay Jimenez, idinideklara ng mga gumagawa ng bakal ang pag-aangkat ng prime steel billet na ginagamit sa paggawa ng bakal bilang Grade 60 kahit na ang kautusan sa ilalim ng nasabing code ay dapat halo ng Grade 40 at Grade 33. Bunsod nito, nagagawa nilang ideklara ang mga inangkat na mga billet sa mas mababang halaga.
Ayon sa dating chairman ng Association of Structural Engineers of the Philippines (ASEP), ang mga Grade 60 na bakal ay ginagamit sa paggawa ng matataas na gusali habang ang Grade 40 naman ay naaangkop lamang para sa mga mababa-bang gusali. Kapag ginamit ang Grade 40 na bakal bilang pundasyon ng matataas na gusali, hindi nito kakayanin ang epekto ng mga malalakas na lindol gaya ng ‘The Big One’.
Isa pang ahensiya na inabisuhan na ng PACC ukol sa nagaganap na malawakang ‘technical smuggling’ ng mga produk-tong bakal ay ang Depart-ment of Trade and Industry (DTI), ang ahensiya ng gobyerno na may tungkuling suriin ang mga produktong bakal bago ito bigyan ng sertipikasyon.
Ayon sa PACC, sampung taon nang nangyayari ang nasabing technical smuggling dahil sa hinihinalang sabwatan sa pagi-tan ng mga opisyal ng BoC at malalaking kompanyang gumagawa ng bakal.
Naalarma naman si Sen. Panfilo Lacson sa bilyon-bilyong halaga ng buwis na nawawala sa Filipinas dahil sa hindi tamang presyuhan ng mga inaangkat na produkto sa bansa. Napakalaki ng kontribusyon ng produktong bakal sa inaangkat na industriyal na mga produkto ng bansa.
Ginamit ni Lacson na basehan ang datos mula sa World Bank nang imungkahi niyang maaaring umabot sa kabuuang halaga ng value added tax na P32.18 bilyon ang nawawala sa Filipinas dahil sa hindi tamang deklarasyon ng mga halaga ng produktong inaangkat ng bansa.
Ang PACC at DTI ay naghahanda na para sa kasong tax evasion na isasampa nila laban sa BOC at mga kompanyang gumagawa ng bakal sa bansa. Sa sobrang laki ng halaga ng buwis na dapat sana ay napupunta sa gobyerno, mag-mumukhang napakaliit lamang ng kaso ng Mighty Corp na nagbayad ng halos P40 bilyon sa Bureau of Internal Revenue (BIR) upang mapunan ang kanilang kulang sa mga binayarang buwis.
Sinabi ni Jimenez na ang kasong ito ng hindi pagdedeklara ng tamang halaga ng inangkat na produktong bakal ng mga kompanya ng bakal sa bansa ay maaaring mas malaki pa sa kaso ng smuggling at tax evasion ng sigarilyo na nabuking, dalawang taon na ang nakalilipas.
Higit sa lahat, ako ay nangangamba bilang isang residente sa isang mataas na gusali sa kalidad ng mga produktong bakal at pang-konstruksiyon na pumapasok sa ating bansa na siyang direktang nakaaapekto sa kaligtasan ng mga Filipino. Kailangan lamang ay alalahanin at panooring muli ang naka-panghihilakbot na video ng Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga na gumuho dahil sa malakas na lindol na tumama sa Gitnang Luzon noong Abril.
Ako ay umaasa na ang gobyerno, sa kabila ng kontrobersiyang dala ng isyu ng GCTA, ay magbibigay ng pansin sa isyung ito.
Hihintayin pa ba nating may tumama muling malakas na lindol sa ating bansa at may gumuho na namang gusali bago natin tuluyang pagtuunan ng sapat na pansin ang isyu sa kalidad ng mga produktong pangkonstruksiyon na pumapasok sa ating bansa? Bilang isang residente ng condominium, ako ay umaasang HINDI ang sagot ng gobyerno sa katanungan kong ito.
Comments are closed.