KAILANGAN BANG AYUSIN KAPAG WALANG SIRA?

Magkape Muna Tayo Ulit

ITO ang nangyayari ngayon sa gusot sa pagitan ng Film Deve­lopment Council of the Philippines (FDCP) at ng Metro Manila Film Festival (MMFF) na nasa ilalim ng panga­ngasiwa ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Nagsumite kasi ng liham ang FDCP sa Malacañang na nagpapanukala na isailalim ang MMFF sa kanilang pangangasiwa at tanggalin ito sa MMDA. Sa madaling salita, nais ng FDCP sa ilalim ni Chair Liza Diño na kunin ang matagumpay na MMFF sa MMDA. Ha? Bakit?

Ang MMDA ay ang organizer ng taunang MMFF mula pa noong 1994. Ang nasabing festival ay nagbibigay ng oportunidad sa ating mga lokal na pelikula na gumawa na dekalidad na obra maestra na walang kalaban na mga pelikulang banyaga tuwing panahon ng Kapaskuhan. Nagsisimula ang MMFF sa ika-25 ng Disyembre at nagtatapos sa unang linggo ng Enero.

Ako ay nagtataka kung bakit pinag-iinteresan ito ni Diño. Mayroon naman siyang sari­ling proyekto na Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) na nagbibigay rin ng oportunindad sa mga lokal na film producers na nasimulan nila noong 2017. Ginaganap ito tuwing Setyembre. Ayon sa liham ni Diño, halos parehas daw ang ginagawa nila ng MMFF kaya naman daw kaila­ngan nang pag-isahin na lamang ito.

Ha! Sino ba ang nauna sa pagtataguyod ng film festival, MMDA o FDCP? Sino ang mas matagumpay sa dalawa sa pagtutulak upang tangkilikin ang pelikulang Filipino? Sino ang mas kilala sa dawalang nasabing film festival, MMFF o PPP? Marahil alam na ninyo kung ano kasagutan dito.

Tulad sa pagsasanib ng dalawang malalaking korporasyon o ang tinatawag na business merger, ang mas matagumpay na korporasyon ang bumibili sa korparasyon na mahina. Kaya nga pumapayag ibenta ng may-ari ang kanilang negosyo dahil mas nakikita nila na mas mapalalago pa ito ng isang mas matatag na korporasyon.

Tulad noon, binili ng San Miguel Coporation (SMC) ang Coca Cola Bottlers Inc. dahil nalulugi ang Coca Cola. Nakita ng SMC na maaari nilang mapalago ang nasabing kompanya kaya nila kinuha ito. Imposible na bilhin ng Coke ang SMC.

Inihantulad ko lamang ito sa sitwasyon ng FDCP at MMFF na nasa ilalim ng MMDA. Bakit pangangasiwaan ng FDCP na wala gaanong magandang track record sa kasalukuyan ang matagumpay na MMFF na nasa ilalim ng MMDA? Sige nga!  Dapat nga yata ay buwagin na ‘yang FDCP at pangasiwaan na ng MMDA ‘yan. Subalit hindi nangahas ang MMDA. Bakit? Dahil naniniwala si MMDA Chairman Danilo Lim sa kasabihan na “Why fix if it ain’t broke?” Wala naman kasing problema ang MMFF sa ilalim ng MMDA sa simula’t simula! Sa madaling salita, hindi na kailangang gumawa ng mga ganitong klaseng kontrobersiya na ma­kagugulo at makasasa­kit pa sa mga pelikulang Filipino.

Kaya hayun, sinibak ni Lim si Diño bilang mi­yembro ng executive committee ng MMFF. Aba’y naghasik pa ng intriga si Diño at may mga kontro­bersiya pa raw sa MMFF kaya mas mabuti pa raw na mapasailalim na lang ito sa FDCP. Kung may delicadeza si Diño, dapat ay nagbitiw siya sa MMFF kung ang hangad niya ay kunin ito sa MMDA. Malinaw ang pahayag ni Lim na may ‘conflict of interest’ ang aksiyon na ginawa ni Diño.

Umani ng suporta ang MMDA mula sa mga stakeholder ng pelikulang Filipino. Ang Cine­ma Exhibitors Association of the Philippines (CEAP) ay walang rek­lamo sa pamamalakad ng MMFF. Ang Prod­yuser ng mga pelikulang Filipino ay suportado rin ang MMDA sa kanilang pamamalakad sa MMFF.

Comments are closed.