(Kailangan ng gobyerno) P40-B PARA SA FOOD STAMP PROGRAM

MANGANGAILANGAN ang pamahalaan ng P40 billion para sa pagpapatupad ng food stamp program para sa isang milyong mahihirap na pamilya, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sinabi ni DSWD Undersecretary Eduardo Punay na ang tinatayang P40-billion budget requirement para sa food stamp program ay para sa isang buong taon lamang.

Tinawag na “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program,” ang proyekto ay naglalayong tulungan ang targeted households na matugunan ang kagutuman sa bansa.

Naunang sinabi ng DSWD na magkakaloob ito ng electronic benefit transfer (EBT) cards na kakargahan ng food credits na nagkakahalaga ng P3,000 kada buwan upang ipambili ng pagkain mula sa DSWD registered o accredited local retailers.

“We still have discussion with the economic team on how to source this… because of the limited resources that we have,” ani Punay.

Gayunman, sinabi ng DSWD official na nakikipag-usap din ang pamahalaan sa Asian Development Bank (ADB) at sa World Bank, na kapwa nagalok na pondohan ang programa.

Para sa six-month pilot run ng programa na tatakbo sa second half ng taon, sinabi ni Punay na nag-alok ang ADB ng $3 million.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, target ng programa na magkaloob ng allowance sa isang milyong mahihirap na pamilya o yaong kumikita ng mas mababa sa P8,000 sa isang buwan.