KAILANGAN pa rin ng mga business establishment ng safety seal certification kahit ibinaba na sa COVID-19 Alert Level 1 ang isang lugar, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Ang safety seal ay patunay na sumusunod ang establisimiyento sa minimum public health standards na itinatakda ng pamahalaan.
Pinapayuhan ni Trade Undersecretary Ruth Castelo ang mga consumer na tangkilikin ang mga negosyong may safety seal dahil tiyak na nasusunod ng mga ito ang mga panuntunan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Nilinaw naman ni Castelo na maaari pa ring makansela ang safety seal ng isang negosyo kung mahuhuli itong lumalabag sa mga panuntunan sa Alert Level 1.
“The establishments will need to follow also ‘yung safety seal protocols natin,” sabi ni Castelo.
Kahapon, Pebrero 27, ay inanunsiyo ng Palasyo ang pagsasailalim sa Metro Manila at 38 pang lugar sa bansa sa Alert Level 1 mula Marso 1 hanggang 15 sa gitna ng patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19.
Una nang sinabi ng pamahalaan na kahit Alert Level 1 ay mananatili ang minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng face mask at paghuhugas ng kamay.
Mababawasan naman ang itinakdang isang metrong physical distancing dahil papayagan na ang 100 porsiyentong operational capacity ng mga negosyo.