NAUDLOT ang mahimbing kong tulog noong madaling araw ng Huwebes dahil naramdaman ko ang medyo mahinang lindol na aking napag-alamang nanggaling mula sa Jomalig, Quezon, ayon sa isang text alert na ipinadala ng NDRRMC. Ang nasabing 5.5 na lindol ay aking naramdaman mula sa aming condominium building sa Pasig City.
Mabuti na lang at walang nasaktan o binawian ng buhay matapos ang nasabing lindol sa Quezon hindi katulad ng dalawang lindol na naganap sa central at eastern Mindanao, partikular sa Cotabato City at Kidapawan City noong isang buwan. Ayon sa pinakahuling balita, 28 ang namatay matapos na mangyari ang nasabing 6.5 magnitude na lindol, na sinundan naman kinabukasan ng mas malakas na 6.6 magnitude na lindol sa Mindanao.
Nagresulta sa pagguho ng ilang mga hotel, condominium, at iba pang mga gusali sa Soccsksargen at sa Davao ang nasabing lindol sa Mindanao, dahilan para mawalan ng tahanan ang mahigit sa 35,000 na mga pamilya at halos 180,000 katao.
Dahil sa mga nagdaang lindol na ito, mukhang kailangan na nga talagang pagtuunan ng pansin ng kasalukuyang administrasyon ang socio-economic impact ng mga sunod-sunod na lindol na sumira sa ilang mga lungsod sa Mindanao.
Naalarma ang isa kong kasamahan at sinabi sa akin through viber na tila unti-unting lumalapit papuntang Metro Manila ang naaapektuhan ng lindol. Senyales na kaya ito na malapit nang mangyari ang matagal nang inaabangan na ‘The Big One’ na darating kung kailan natin hindi inaasahan?
Ang malaking katanungan nga ng mga concerned group ay kung ano bang mga hakbang at pagkilos ang ginagawa ng ating gobyerno upang paghandaan ang pagdating nitong ‘The Big One’? Sapat na ba ang ginagawang quake drills at shake downs kada buwan para maging handa laban dito? Patuloy lang bang hihintayin ng gobyerno na tumama na ang ‘The Big One’ bago ito umaksiyon para mailigtas ang libo-libong buhay na maapektuhan nito?
May mga palatandaan na nagtuturo na ang mga gusaling itinayo na may 10 taon na ang nakalilipas ay may mahinang imprastraktura na napatunayan sa mga gumuhong hotel sa Davao noong isang linggo, at sa isang supermarket sa Pampanga noong tumama ang 6.1 magnitude na lindol noong Abril. Ayon sa mga report, mga substandard na materyales, partikular ang mga reinforcement bars (rebars), ang ginamit sa pagtatayo ng nasabing mga gusali.
Kung totoo ang mga report na ito, mukhang panahon na para kumilos ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para mailigtas ang libo-libong mga maaapektuhan ng lindol. Dapat pigilan ang mga contractor na gumagamit ng mga substandard steel products, kasama na rin ang mga supplier ng mahinang klaseng rebars.
Buti na nga lang at may mga grupo ng mambabatas na nagtutulak na magkaroon ng pagsisiyasat laban sa mga ilegal na pagpasok sa bansa at pagkalat ng mga substandard na steel products. Bilib din ako sa lakas ng loob nila para matuloy na rin ang imbestigasyon tungkol sa ‘di umano’y pagsasabwatan ng mga malalaking kompanya ng steelmakers, trade industry, at ng mga opisyal ng Customs sa kanilang pagpapabaya na makapasok ang mga substandard na steel products dito sa bansa.
Marahil ay dapat alamin ng mga mambabatas ang puno’t dulo kung bakit ang mga malalaking steelmakers ay biglaang lumipat mula sa paggamit ng quenched-tempered (QT) steel bars kaysa sa mga micro-alloyed bar.
Ang mga QT bar, ayon sa isang pag-aaral na ginawa ng dating chairman ng Association of Structural Engineers of the Philippines (ASEP) na si Engineer Emilio Morales, ay maaaring magdala ng malaking peligro dahil sa non-doctile behavior nito kapag naisailalim ito sa mga kondisyon na tipikal sa ating local construction practices.
Ayon kay Morales, ipinagbawal na ang paggamit ng QT bars sa mga bansang China, Taiwan, Japan, New Zealand, Canada, at sa Estados Unidos. Nang dahil sa lindol sa Sichuan noong 2008 na kumitil sa mahigit 69,000 na buhay at nag-iwan din ng halos 380,000 kataong nasaktan ay nagpatupad ang China ng mga pagbabago sa kanilang rebar regulations.
Sa kanilang pinaplanong pagsisiyasat, nais malaman ng mga mambabatas kung bakit pinayagan ng trade department ang pagpasok ng QT bars sa ating bansa, samantalang ito ay ipinagbabawal na sa iba pang mga bansang matatagpuan sa Seismic Zones kung saan ang mga bansang matatagpuan dito ay mga madalas tamaan ng lindol.
Sa isang banda naman, may mga ulat na ang Bureau of Customs ay nagsimula nang mag-audit ng malalaking steel companies, isang hakbang upang wakasan ang nangyayaring undervalued steel importations sa gitna ng mga ulat na may mga nagaganap na paglusot o pag-smuggle ng mga mahihinang klaseng steel products. Katuwang ito sa imbestigasyon na ginagawa ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kung saan nakakalap sila ng ebidensiya upang mahuli ang mga nasa likod ng technical smuggling ng milyon-milyong halaga ng steel bars.
Sakto rin ang imbestigasyong ginagawa ng Kongreso at ng PACC. Sunod-sunod na tinatamaan ng lindol ang Southern Mindanao sa loob ng nakalipas na dalawang linggo. May mga pangamba na ang ‘The Big One’ ay darating na at tatama sa ating bansa na maaaring magdulot ng malubhang pinsala sa libo-libo nating mamamayan.
Hindi rin talaga ako mapalagay kapag aking naiisip na ang ibang mga estruktura sa ating bansa ay maaaring hindi kayanin ang mga malalaking lindol na maaaring tumama sa atin kagaya ng nangyari sa Mindanao. Nakalulungkot at nakakakaba na kumakalat ang pagbebenta at paggamit ng mga materyales na substandard.
Kailangan ng matinding political will ng ating gobyerno upang parusahan ang mga steel smuggler, at higpitan ang pamamalakad para masiguro na ang mga ginagamit na materyales ay naaayon sa tamang pamantayan. Ang simpleng pag-kilos na ito ay makakapagligtas sa libo-libong buhay ng ating mga ma-mamayan.
Comments are closed.