(Kakailanganin ng gobyerno) P16.2-B SA TOURISM INFRA

HANDA ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na pondohan ang mga nasirang imprastraktura sa turismo na dulot ng bagyong Odette.

Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda, mangangailangan ng inisyal na budget na P16.2 billion para sa reorienting o pagbabago ng direksiyon ng tourism infrastructure.

Inirekomenda ng kongresista na isailalim sa tourism rehabilitation infrastructure program (TRIP) ang mga nasirang imprastraktura nang sa gayon ay maibalik at mahikayat ang muling pagsigla ng turismo sa mga ligtas na bahagi ng mga rehiyong sinalanta ng bagyo.

Maaari aniyang ikonsidera ng Kongreso ang alokasyon sa special budget para sa tourism infrastructure kung ito ay hihilingin ng pamahalaan.

Sinabi ni Salceda na ang mga ‘Odette’-hit area ay mga tourism heavyweight ng bansa kaya marapat lamang na suportahan ang kanilang muling pagbangon.

Ang imprastraktura, aniya, ay sumasalamin sa kung paano pinahahalagahan ang buhay at kung anong mga parte ng lugar ang kinakikitaan ng paglago ng ekonomiya. CONDE BATAC