NGAYONG nasa ilalim ng isang public health emergency ang bansa dahil sa coronavirus disease o COVID-19, nahaharap sa malaking panganib ang kalusugan ng mga Pinoy lalo na’t may kakulangan ng health workers ang bansa.
Ito ang ikinababahala ni Senador Win Gatchalian matapos pumalo na sa mahigit 132,000 na ang mga positibong kaso ng coronavirus sa buong mundo, kabilang ang 64 kaso sa Filipinas.
Partikular na tinukoy ng senador ang pahayag ni Dr. Pretchell Tolentino, Chief ng DOH Learning and Development Division sa isang pagdinig ang kakulangan ng bansa ng halos 8,840 doktor sa mga kanayunan pa lamang.
Gayundin, ibinahagi rin ni Philippine General Hospital (PGH) Director Dr. Gerardo Legaspi na sa pagpapatupad ng Universal Health Care Law, 44 na pinagsama-samang mga doktor, nurse, mga komadrona o midwives, at mga medical technologists ang dapat tumutugon sa pangangailangan ng bawat 10,000 katao.
Subalit, sa kasalukuyang lagay ng bansa, halos 19 medical workers lamang mula sa parehong pribado at pampublikong sektor ang nakalaan para sa bawat sampung libong katao.
“Nakakabahalang malaman na hindi lamang testing facilities at testing kits ang kulang sa atin ngayong nasa ilalim tayo ng isang public health emergency. Dahil sa kakulangan ng mga doktor, naaapektuhan ang ating kakayahang magbigay ng agarang tulong medikal sa mga kababayan nating nasa panganib tulad na lang ng COVID-19,” ani Gatchalian.”
Kaya’t upang mapunan ang kakulangang nito, iminungkahi ng senador ang pagkakaroon ng mas maraming scholarships para sa maraming mahusay ngunit nangangailangang mga mag-aaral upang makatanggap sila ng edukasyon mula sa mga pribadong institusyon.
Dahil walo lamang sa mahigit isang daang state universities and colleges (SUCs) ang may medical school, hinimok ni Gatchalian ang DOH na magkaroon ng mas maraming partnership sa mga private medical schools, kung saan puwedeng pumasok ang mga mag-aaral na ito.
Simula 2017, mayroon nang medical scholarship program ang DOH na saklaw ang tuition, allowances para sa mga libro, uniporme, tirahan, transportation, annual medical insurance, at iba pang mga gastusin. Sa kasulukuyan, may mahigit isang libong (1,141) scholars ang DOH na nag-aaral sa parehong SUCs at mga pribadong paaralan. VICKY CERVALES
Comments are closed.