TINIYAK ng isang opisyal ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) na nasa maayos na kalagayan ang mga overseas Filipino worker (OFW) na nanatili sa Kuwait sa kabila ng hindi pagkakaintindihan, at nakaraang deployment ban na ipinatigil na.
Ayon kay Father Resty Ogsimer, Executive Secretary ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ng CBCP, personal niyang binibisita ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Kuwait, simula pa noong unang araw ng Mayo na pagdating niya sa bansa.
Sinabi ni Father Ogsimer na iginigiit ng mga OFW na maayos ang trato sa kanila at hindi nila nais mawalan ng trabaho at bumalik sa Pilipinas.
Dagdag pa ng pari, sa ikatlong pagkakataon na bumisita siya sa Kuwait, ay naobserbahan nitong karamihan lamang sa mga nagkakaroon ng masamang karanasan sa trabaho ay ang mga Filipino Domestic Helpers.
Bukod dito, naobserbahan din ni Father Ogsimer na ang mga employer na edukado at nakapag-abroad ay karaniwang mas mabuti sa kanilang mga kasambahay kumpara sa ibang employer na makailang beses nang tinatakasan ng kanilang mga kasambahay.
Sa kabila nito, malaki ang inaasahan ni Father Ogsimer na magbabago ang pagtrato sa mga domestic helper sa oras na maisapinal na ang Memorandum of Understanding ng Kuwait at ng Pilipinas. PAUL ROLDAN
Comments are closed.