KALIGTASAN NG MGA MAG-AARAL, GURO ITAGUYOD SA MULING PAGDAMI NG KASO NG COVID-19

win Gatchalian

ITAGUYOD ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral.

Ito ang panawagan ni Senador Win Gatchalian kasunod ng muling pagpataw ng Alert Level 3 sa Metro Manila dahil sa tumataas na kaso ng Omicron variant.

Bagaman hindi pinahihintulutan sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3 ang face-to-face classes sa basic education, nananatili ang panganib sa mga guro at mag-aaral lalo na’t patuloy na kumakalat ang nakakahawang Omicron variant, ayon kay Gatchalian.

Giit ng senador, dapat magsagawa ng regular na COVID-19 testing sa mga guro, lalo na’t patuloy silang nagtatrabaho sa kabila ng pagsuspinde sa face-to-face classes.

Para maprotektahan naman ang mga mag-aaral, dapat aniyang paigtingin ng pamahalaan ang pagbabakuna ng mga kabataang may edad na 12 hanggang 17.

Sa isang pagdinig sa Senado na isinagawa noong Disyembre 17, iniulat ng Department of Health (DOH) na may 7.1 milyon sa 12.7 milyong mga kabataang may edad 12 hanggang 17 ang nakatanggap na ng isang dose ng COVID-19 vaccine.

Samantala, may 2.7 milyon naman ang itinuturing nang fully vaccinated.

Ngayong buwan ay inaasahan ang pagbabakuna ng mga kabataang may edad 5 hanggang 11.

Kamakailan ay hini­mok ni Gatchalian ang local government units (LGUs) na simulan ang paghahanda sa pagbabakuna ng mga batang mas mababa sa 12 taong gulang.

“Sa kabila ng muling pag-akyat ng mga kaso ng COVID-19 at pagkalat ng nakakahawang Omicron variant, patuloy nating dapat ipatupad ang lahat ng hakbang upang protektahan ang ating mga mag-aaral at mga guro upang hindi sila magkasakit,” pahayag ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

“Kahit na ipagpapaliban muna natin ang face-to-face classes sa Metro Manila, mahalaga pa rin ang pagsasagawa ng re­gular na COVID-19 tests para sa mga guro upang maiwasan natin ang hawaan sa mga paaralan. Para sa mga mag-aaral naman, magbibigay ang bakuna ng dagdag na proteksyon lalo na kung dumating ang panahong makakabalik na sila sa kanilang mga paaralan,” dagdag na pahayag ng senador.

Sa mga lugar at paaralan namang nananatili sa Alert Level 2, patuloy dapat ang pagpapatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang hawaan sa mga mag-aaral at guro, ani Gatchalian. Kabilang dito ang pagsasagawa ng contact tracing at pagkakaroon ng sapat na mga pasilidad para sa sanitation. VICKY CERVALES