INIHAYAG ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa kanyang State of the City Children Address (SOCCA) na prayoridad ng kanyang administrasyon ang kalusugan ng bawat kabataan sa lungsod matapos ang mabilis na pagkalat ng pandemya na dulot ng COVID-19.
Ang SOCCA ni Calixto-Rubiano ay ginanap kahapon sa SM-MOA na may temang “Sama-sama nating Itaguyod ang Karapatan ng Bawa’t Bata sa Panahon ng Pandemya.”
“Hindi natin pababayaan ang ating mga kabataan. Gagawin ko ang lahat ng aking kakayanan upang maprotektahan silang lahat,” anang alkalde.
Aniya, bago pa man manalasa ang COVID-19 sa lungsod ay nakapagpamahagi na ng hygiene kits sa mga kabataan at nagsagawa na rin sanitasyon sa lahat ng eskuwelahan bilang preparasyon sa pagbubukas ng klase ngunit hindi na muna ipinatupad ang face-face classes bagkus ay idinaan na muna sa blended learning.
Sinabi pa nito, nangunguna ang Pasay City General Hospital-Department of Pediatrics sa paglaban sa COVID-19 upang maprotektahan ang kalusugan ng mga kabataan sa lungsod.
Tinukoy nito, ang dedikasyon at sipag ng mga frontliner sa Department of Pediatrics ang nagligtas sa pagkakahawa sa dalawang pinakabatang nagpositibo sa COVID-19 na may mga edad na 13 at 15 noong nakaraang Hunyo at Hulyo.
Kaya’t patuloy ang pasasagawa ng buwanang community pediatrics sa lebel ng barangay upang pagserbisyuhan ang mga pasyenteng kabataan at magulang kaugnay sa mga hakbang upang mapigil ang mga pangkaraniwang sakit kabilang ang pag-iwas sa COVID-19.
Sinabi rin ni Calixto-Rubiano, malaking bagay din ang ginampanan ng City Health Office (CHO) sa pagprotekta nito sa mga kabataan gaya ng kalidad at komprehensibong pagbibigay ng serbisyo sa kalusugan at nutrisyon ay naipagkaloob sa 6,448 mga buntis habang 5,325 naman ay post-partum at lactating mothers; May kabuuang 7,720 sanggol na hindi aabot sa 12 buwan ang edad ay nabakunahan, nakatanggap ng medical treatment at care na may 2 rounds ng polio immunization sa huling quarter ng 2019 at ang Operation Timbang Plus o ang tinatawag na OPT na may kasamang survey upang mabawasan ang malnutrisyon sa mga kabataan. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.