NANAWAGAN si Albay Rep. Joey Sarte Salceda sa mga kapwa niya mambabatas na ipasa ang mahahalagang panukalang batas niyang nakahain sa Kamara kaugnay sa edukasyon upang matugunan ang ulat ng Department of Education (DepEd) na maraming mga kabataang mag-aaral sa elementarya ang nananatiling ‘latent illiterate’ o hindi marunong bumasa.
Sa naulat na “DepEd Bicol 2019 data” sinasabing mga 70,000 mag-aaral sa elementary sa Bicol ay nananatiling mangmang, isang suliraning tinawag na “ticking economic time bomb,” ni Salceda. “Ang isang mag-aaral na ipinapasa sa susunod na grado ngunit hindi pa natututong bumasa ay sapat na dahilan upang mag-alala tayo. Krisis na ang magkaroon ng 70,000 ganitong mga mag-aaral sa isang rehiyon lamang. Halos tiyak ko na ganyan din ang lagay sa iba pang mga rehiyon,” ayon sa mambabatas.
“Nang guberbador ako ng Albay noong 2007 hanggang 2016, malaki ang iniunlad ng edukasyon sa Bikol. Ang mga programa namin noon ay ginaya pa ng maraming lalawigan sa bansa, kaya kinilala at pinarangalan pa nga kami. Lumalabas na kapag ang sumunod na mga namumuno, kung hindi gaanong masikap sa pagsulong ng may kalidad na edukasyon, umuurong din sa dati,” anito “Sadyang kailangan ang mabisang mga reporma upang patuloy na susulong ang mga sistemang naganap na sa nakaraan. Kung hindi kayang i-aplay ng mga kabataan sa kanilang pang-araw-araw na gawain at buhay ang mga dapat natutunan nila sa libro, may krisis nga tayo at tiyak na wala tayong kakayahang makipagkumpetisyon sa hinaharap. Ang suliraning ito ay parang isang ‘economic time bomb’ na nagbabantang sumabog,” dagdag niya.
Isang kilalang ekonomista, at ngayon ay House Ways and Means Committee chairman, binigyang diin ni Salceda na napakahalaga ng karunungan at edukasyon na batayan kung makakatapos ang isang bata sa kanyang pag-aaral. “Sa karaniwan nasa 7% ang balik sa puhunan ng bawat isang taon sa high school at hanggang 22% naman bawat taon sa kolehiyo.” “Kalahati lamang ang kikitain ng hindi nakatapos ng high school dahil hindi siya natuto, kumpara sa kikitain ng nakapagtapos sa kolehiyo. Kung ang naulat na ‘latent iliteracy’ ay pare-pareho sa lahat ng rehiyon natin, 2% ng ‘national income’ natin ang lugi o mawawala taon-taon kapag nagtrabaho na sila. Napakabigat nito,” dagdag niya.
Sa ilalim ng ‘Comprehensive Education Reform Agenda,’ naihain na sa Kamara ni Salceda ang mga sumusunod niyang panukala: 1) HB 6231, ‘Teacher Empowerment Act’ na magpapagaan sa iskedyul ng mga guro upang may oras sila para mabisang masubaybayan ang pag-aaral ng mga estudyante; 2) HB 6247, ang ‘K to 12 Reform Act,’ na naglalayong gawing lalong komprehensibo ang ‘curriculum’ tungo sa lalong malalim na pag-unawa sa kanilang mga aralin; 3) HB 6287, ang ‘Meister Schools Act,’ na lalong magpapatas sa kahusayan ng mga mag-aaral; at 4) HB 6295, ang ‘Universal Free School Meals Program,’ na magbibigay ng libreng mayaman at malnutrisyong pagkain sa mga batang ‘kindergaten’ at elementarya na mula sa mahihirap na pamilya upang maging matulis ang kanilang isip sa mga aralin.
Ayon kay Salceda, sisikapin niyang matapos at maihain sa Kamara ang natitira pa niyang mahahalagang panukalang batas kaugnay sa edukasyon.
Comments are closed.