GINAWA umanong ‘cheap’ ni House Speaker Lord Allan Velasco ang posisyong Deputy Speaker ng House of Representatives na singkong mamera na lang na maituturing nang gawing mistula itong “pabuya” sa mga kaalyadong kongresista na sumuporta sa kanya sa nangyaring Speakership row sa pagitan nila ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano.
Sa kanyang kolum sa pahayagang Manila Standard, sinabi ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) chairman Lito Banayo na sa ginawang pagdagdag pa ni Velasco ng 9 na Deputy Speaker na umabot na sa kabuuang 28 ay malinaw na wala nang dignidad at self-respect ang Kamara.
Kung dati umano ay tatlo lamang ang Deputy Speaker na kumakatawan sa Luzon, Visayas at Mindanao, ngayong 28 na ang mga ito ay lumalabas na sa bawat isang Deputy Speaker ay 10 mambabatas na lamang ang hawak nito.
“Having 28 Deputy Speakers alone means each leader is theoretically in charge of just 10 other peers in the 300 -member House. For reasons of self-respect and dignity, naman. Has anyone in the House of Representatives discovered the meaning of ‘gravitas,”pahayag nito.
Aniya, hind lamang dagdag-gastos ang pagkakaroon ng sangkaterbang Deputy Speaker kundi nangangahulugan din ito ng dagdag pa pakikialam sa mga polisiya.
“Not only because it costs our taxpayers additional perks, and a pre-emptive say on the pork, but also because the deputy speaker becomes a member of the “comite de paki-alam”, as in pwedeng pakialaman ang lahat,” paliwanag nito.
Ani Banayo, sa ginawa ni Velasco na gawin lahat na Deputy Speaker ang kanyang mga kaalyado ay lalo lamang nitong pinababa ang imahe ng Kamara.
Gayundin ang tingin ng batikang political analyst na si Ramon Casiple. Aniya, masyado nang pinahahalata ni Velasco na ang galawan sa Kamara ay bilang paghahanda sa 2022 election.
Una nang sinabi ni Casiple na matuturing nang scandal ang pagkakaroon ng 28 Deputy Speaker dahil hindi kailangan ang ganitong karami sa posisyon na wala namang nagagawa maliban sa dagdag gastos.
Ang siyam na bagong Deputy Speaker ay sina Arnolfo Teves Jr, Negros Oriental 3rd District; Rimpy Bondoc, Pampanga 4th District; Bernadette Herrera Dy, Bagong Henerasyon; Kristine Singson Meehan, Ilocos Sur 2nd District; Divina Grace Yu, Zamboanga del Sur 1st District; Rogelio Pacquiao, Sarangani; Bienvenido Abante Jr, Manila 6th District at ang dalawang kapwa kinatawan ng Valenzuela na sina 2nd District Rep.Weslie Gatchalian at 1st District Rep. Eric Martinez.
Ang nabanggit na mambabatas ay may malaking papel na ginampanan sa pagbaba sa puwesto ni Cayetano kaya bilang kapalit nang maitalaga si Velasco na House Speaker ay plum position para sa mga ito.
Ang deputy speakership ay isang plum post sa Kamara dahil bukod sa pagiging senior position ay may kaakibat din ito na perks gaya ng budget na P200M at pagkakaroon ng voting powers sa mga commit-tee. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.