KAMARA, HANDA SA ‘SENATE VERSION’ NG CREATE

Joey Sarte Salceda

NAKAHANDANG ipasa ng Kamara ang bersiyon ng Senado sa panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act, ang pinakamahalagang bill na inaasahang pipigil sa patuloy na pagbulusok ng ekonomiya bunga ng pananalasa ng Covid-19 pandemic.

Ayon kay House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda, handang ipasa kaagad ng Kamara ang bersiyon nito. Isa ang CREATE sa mga inindorso at sinertipikahang “urgent” ni Pangulong Duterte sa kanyang huling ‘state of the nation address’ (SONA).

Ang CREATE ang dating Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act o Citira na nauna nang ipinasa ng Kamara noong nakaraang taon. Binago ito at iniakma sa mga maseselang pangangailangan ng bansa dulot ng Covid-19 pandemic.

Sa kanyang ‘social media post’ kamakailan, sinabi ni Salceda na ang napakahabang talakayan nito sa Senado ay “nagpapahaba rin sa kahirapang dinaranas ng mga Filipino at lalong nagpapahirap sa ekonomiya dahil nasasayang ang mga pagkakataong umakit ng mga mamumuhunan at lumikha ng maraming trabaho.”

Tiniyak niyang ang orihinal na balangkas ng panukala na siya rin ang pangunahing may-akda, ay bunga ng malawakang konsultasyon sa mga ‘stakeholders’ sa bansa, kasama ang mga eksperto sa mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor.

Layunin ng CREATE na ibaba agad ang ‘corporate income tax’ (CIT) sa 25% mula sa umiiral na 30% at patuloy itong bawasan pa ng isang porsiyento taon-taon mula 2023 hanggang maging 20% na lamang sa 2027. Bibigyan din nito ang Ehekutibo ng kapangyarihang magkaloob ng “flexible bonus” na insentibo upang akitin ang mga “dambulahang mga mamumuhunan” na magnegosyo sa bansa.

“Sa ilalim ng CREATE, maaaring magbigay ang gobyerno ng mga insentibong akma sa malalaking mamumuhunan. Nang tinatalakay ito sa Kamara, naging karaniwang himutok ng mga kinatawan ng iba’t-ibang industriya sa kabiguan ng bansa na akitin ang malalaking dayuhang korporasyon, gaya ng Samsung na mamuhunan sa Filipinas,” puna niya.

Binigyang diin ng mambabatas  ang mga lubhang kailangang reporma sa istruktura ng ekonomiya para lalong patibayin ang tiwala ng malalaking mamumuhunan sa bansa at ang CREATE ang “unang hakbang” tungo rito.

Tinantiya ng mambabatas na ekonomista na umabot na sa mga USD15 bilyon ang kinita na sana ng bansa sa nakaraang dalawang taon kung naipasa ang mga naunang panukalang reporma sa ekonomiya.

Tinatayang ang CREATE ay lilikha ng hindi bababa sa 1.1 milyong bagong trabaho sa loob ng limang taon, at magpapasimula sa hugis V na pagbawi ng ekonomiya simula sa susunod na taon.

Comments are closed.