NAKAHANDA ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na amyendahan ang 2022 national budget para tugunan ang mga pangangailangan laban sa pagtaas ng kaso ng Omicron variant ng COVID-19.
Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda, magbabalik sesyon na rin ang Kongreso ngayong Enero at nakahanda silang maglatag ng kinakailangang adjustments sa pambansang pondo.
Ito ay para matiyak na makakabili ng sapat na therapeutics o gamot, ventilators at iba pang medikal na pangangailangan sakaling lumobo ang bilang ng mga nagpapaospital.
“Congress is willing to make amendments to the budget “to ensure that we can buy therapeutics, ventilators, and other medical needs should hospitalizations surge”, ani Salceda.
Kumikilos na rin aniya ang kanyang komite at nakikipagugnayan na sa Bureau of Customs (BOC) para siguraduhing ang mga COVID-19 medicines na exempted sa VAT sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Law ay maihahatid agad sa mga pagamutan sa oras na makapasok na sa mga ports ng bansa.
Kinalampag din ng kongresista ang Department of Health (DOH) na itaas pa ang procurement ng mga retrovirals o gamot laban sa COVID-19. Conde Batac